Martes, Setyembre 2, 2025

Sabaw at talbos ng kamote

SABAW AT TALBOS NG KAMOTE

sabaw at talbos ng kamote
ang hapunan ko ngayong gabi
sa puso raw ito'y mabuti
sa kanser ay panlaban pati

nakakatulong sa digestion
at naglalaman din ng iron
na mabuti raw sa produksyon
ng red blood cells ang mga iyon

kaysarap din ng sabaw nito
lalagukin ang isang baso
napapalusog pati buto
ramdam kong ito'y epektibo

nakagagaan sa paggalaw
bukod sa masarap na sabaw
talbos pa nito'y isasawsaw
sa bagoong, di ka aayaw

di ako nagkanin, ito lang
at nakabubusog din naman
pampalakas na ng katawan
pampalusog pa ng isipan

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

Umamin daw ang aso?

UMAMIN DAW ANG ASO?

ang aso ay magaling na bantay
tatahol pag may iba sa bahay
ang aso'y mahusay ring alalay
pag tumahol, di ka mapalagay

bakit ba umaming siya'y aso
ng isang batikang pulitiko
sakaling mangagat naman ito
baka magkarabis kang totoo

kaya sa aso'y laging mag-ingat
at iwasan ang kanilang kagat
aso mang umamin at nanumbat
baka galis pa'y kanyang ikalat

ingat sa aso, ingat sa rabis
baka kagat nito'y di matiis
garapata pa'y dapat matiris
pag tumahol, agad kang umalis

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 2, 2025, p.1 at p.5

Ang Setyembre Dos sa kasaysayan

ANG SETYEMBRE DOS SA KASAYSAYAN

ang Setyembre Dos sa kasaysayan:
pormal na ang pagsuko ng Japan
at ang Ikalawang Daigdigang
Digmaa'y tuluyang nawakasan

namatay ang bayani ng Byetnam
at unang pangulong si Ho Chi Minh
nakaligtas sa nasunog na jet
ang naging presidente ng U.S.

may isang daang O.F.W. 
ang napauwi galing Kuwait
na tumakas sa kanilang amo
na kondisyon sa trabaho'y pangit

kayrami nang namatay sa dengue
anang ulat ng Department of Health
ulat na ito'y sadyang kaytindi
sa namatayan ay anong kaysakit

limang daan ang sa Iloilo
tatlong daang katao sa Bicol
at pitumpu naman mula sa Cebu
ay, nakamamatay iyang lamok

nadagdag pa sa mga balita
C.D. bidyo't Jose Pidal acoount
at may pahabol pang kasabihan:
huwag bukas kung kaya na ngayon

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

* mga datos mula sa pahayagang Pang-Masa, p.4

Sa muling pagninilay

SA MULING PAGNINILAY

mabuti nang tumumba't mamatay
kaysa wala nang silbi sa buhay
sa isip ko'y gumugulong tunay
itong gulong na plat niring buhay

narito't naglilingkod ng sadya
sa uring manggagawa at dukha
sa kabila ng hibik at luha
nang aking asawa ay mawala

paano babayaran ang utang
na milyon-milyon ay di ko alam
sakit sa ulong di napaparam
ang sarili ko na'y inuuyam

pagpapatiwakal ba ang sagot?
kung katiwasa'y di maabot?
paano lulusutan ang gusot?
ang kalutasan sana'y masambot

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

Lipunang malaya't matinô

LIPUNANG MALAYA'T MATINÔ

pangarap ko'y malaya't matinong lipunan
umiiral ay patas at makatarungan
na walang api't pinagsasamantalahan
ng dinastiya, oligarkiya't gahaman

pangarap ko'y lipunang matino't malayà
kung saan walang trapo't burgesyang kuhilà
sa anumang pakikibaka'y laging handâ
kumikilos kasama ng obrero't dukhâ

pangarap ko'y lipunang malaya't matinô
na lahat ng lahi't bansa'y nagkakasundô
umiiral ay di pagkaganid sa gintô
kundi pakikipagkapwa sa buong mundô

lipunang matino't malaya ang pangarap
na makamit na bawat isa'y lumilingap
sa kanyang kapwa, kaya tayo na'y magsikap
na abutin ang kaytayog mang alapaap

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025