Linggo, Nobyembre 9, 2025

Bato-bato sa langit

BATO-BATO SA LANGIT

Bato-bato sa langit
Hustisya'y igigiit
Pag ginawâ ay lupit
Sa dukha't maliliit

Kayraming pinilipit
Pagpaslang ang inugit
Due process ay winaglit
Mga buhay inumit

Tulad ng abang pipit
Pag bayan ay nagalit
Sa tokhang na pinilit
Bato man, ipipiit

Nanlaban pati paslit?
Tanong natin ay bakit?
Buhay nila'y ginilit
Ng sistemang kaylupit

- gregoriovbituinjr.
11.09.2025

Hinahampas ng bagyong Uwan ang bahay ni Juan

HINAHAMPAS NG BAGYONG UWAN ANG BAHAY NI JUAN

matapos ang bagyong Tino na nanalasang tunay
na higit dalawang daang katao na'y namatay
ngayon nama'y nananalasa na ang bagyong Uwan
kaylakas niyang hinahampas ang bahay ni Juan

kaya ang daranasin natin ay matinding sigwâ
na kung maayos ang kanal sana'y agad mawalâ
paano kung D.P.W.H. gumawa niyon?
flood control project na ba'y guniguni na paglaon?

mag-iingat po tayo kung may yerong lumilipad
na sa atin at sa pamilya'y baka makasugat
mag-ingat din sa open manhole at lestospirosis
sa panahon ngayon ay mahirap nang magkasakit

bahay man ni Juan o kaya'y ang bahay ni Kuya
sana'y maging handâ, at magbayanihan talaga
gawin ay makipagkapwa, at di makasarili
isipin din natin ang kapwa, di lang ang sarili

- gregoriovbituinjr.
11.09.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:

Napanalunang aklat

NAPANALUNANG AKLAT

nakinig ako sa zoom nilang talakayan
hinggil sa mga aklat, mula pamantasang
Ateneo, Kagawaran ng Filipino
at sa pa-raffle nila, nanalo ng libro

ang aklat ay Poems ni Martin Villanueva
bagamat ngayon ko lang siya nakilala
di sa personal, kundi sa aklat ng tulâ
nasa Ingles, wala pang walumpung pahinâ

kanina, dumating ang kartero sa bahay
at natanggap ko na ang premyo nilang bigay
dagdag na koleksyon sa munti kong library
nakapagbabasa pa kahit super-busy

sa Ateneo, taos kong pasasalamat
sa librong itong ngayon ay binubulatlat
dedikasyong: "Hope you find something worthwhile in THIS"
ng awtor sa aklat, sa pagod ko'y nag-alis

- gregoriovbituinjr.
11.09.2025