ANG DUKHA NATING KAPWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
tao rin sa lipunan silang dukhang laging kapos
at ayaw sa kanila ng kapitalistang tuso
di raw nababagay ang dukha sa pagnenegosyo
pagkat dukha'y mukhang basahan at mga busabos
malupit iyang mga elitista, anong lupit
sa lipunang ang buhay ng dukha'y hinihilahil
dukhang sinikil ng negosyo't pulitikong sutil
dahil isinilang na kapos, laging nagigipit
kaya dukha silang inaapi't kinakawawa
tila kinabukasan nila'y nasa takipsilim
walang matanaw na liwanag, bukas ay kaydilim
dukhang walang-wala'y itinuring nang hampaslupa
ngunit kaytindi ng burgesyang animo'y kaylakas
ayaw nilang kasalo ang mga dukha sa dulang
animo'y gagalisin, ang tingin sa dukha'y halang
ang mga bituka't turing agad ay talipandas
ipinagtanggol ng dukha ang kanilang sarili:
"dukha man kaming isinilang, sa inyo'y kaiba
tao rin kaming may dangal, itinataboy nyo pa
matalino't mayaman kayo ngunit mapang-api"
ang mga nasa burgesya'y agad namang tumugon:
"karima-rimarim kayo't talagang mababaho
sa lipunang ito, tulad nyo'y dapat lang maglaho
mga patay-gutom kayong nais lagi'y lumamon"
may puwang ba sa mundo ang dukhang kinakawawa
ng mapang-aping uring sa kanila nga'y kaylupit
pinagapang sa lusak, itinataboy na pilit
turing sa kanila'y di tao, pagkat sila'y dukha
sa mataas mang lipunan ay di katanggap-tanggap
pagkat lipunang ito'y para lang daw sa negosyo
sa globalisasyon at mayayamang pulitiko
kaya sa lipunang ito, dukha'y di malilingap
buhay ng dukha'y itinuring na kahindik-hindik
kalunos-lunos ang kahirapan nilang sinapit
tumapang sila pagkat lagi silang nilalait
ng burgesyang sa kanila'y pagdurusa ang hasik
iisa lang ang pinapangarap ng mga dukha
ang maitayo ang isang lipunang makatao
dangal at karapata'y kikilalaning totoo
at pantay-pantay na ang kalagayan nitong madla
Miyerkules, Mayo 28, 2014
Ang pangit na anghel
ANG PANGIT NA ANGHEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
ang mga aswang ay anghel ng diyos
at ayaw sa kanila ng demonyo
di raw bagay ang aswang sa impyerno
pagkat sila'y anghel na binusabos
malupit ang mga anghel, kaylupit
anak ng diyos silang hinilahil
silang mga itinaboy ng anghel
dahil ipinanganak silang pangit
kaya aswang ay naroon sa gitna
ng bukangliwayway at takipsilim
anghel sa liwanag, taning sa dilim
aswang naman ay nahulog sa lupa
ngunit kaylakas ng anghel, kaylakas
di maari sa liwanag ang aswang
itinuring nitong aswang ay halang
ang bituka't isa ring talipandas
pinagtanggol ng aswang ang sarili:
"ipinanganak lang akong kaiba
ngunit ako'y agad tinaboy nyo na
anghel nga kayo ngunit mapang-api"
ang anghel sa kanya'y agad tumugon:
"karima-rimarim ang iyong anyo
kaya sa langit dapat kang maglaho
at diyan sa lupa ka maglimayon"
kaya pala aswang ay nasa lupa
anghel silang anyo'y napakapangit
kaya itinaboy mula sa langit
at dito sa lupa'y pagala-gala
si Taning man ay di siya matanggap
sa impyerno'y pawang maganda't macho
aswang ay walang puwang sa impyerno
at wala sa kanya doong lilingap
aswang na ang anyo'y kahindik-hindik
gayong anghel siyang ubod ng bait
tumapang dahil laging nilalait
nagrebelde't lagim ang naihasik
iisa lang ang pangarap ng aswang
makabalik sa langit at tanggapin
anuman yaong kanyang anyong angkin
anghel pa rin siya sa kalangitan
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
ang mga aswang ay anghel ng diyos
at ayaw sa kanila ng demonyo
di raw bagay ang aswang sa impyerno
pagkat sila'y anghel na binusabos
malupit ang mga anghel, kaylupit
anak ng diyos silang hinilahil
silang mga itinaboy ng anghel
dahil ipinanganak silang pangit
kaya aswang ay naroon sa gitna
ng bukangliwayway at takipsilim
anghel sa liwanag, taning sa dilim
aswang naman ay nahulog sa lupa
ngunit kaylakas ng anghel, kaylakas
di maari sa liwanag ang aswang
itinuring nitong aswang ay halang
ang bituka't isa ring talipandas
pinagtanggol ng aswang ang sarili:
"ipinanganak lang akong kaiba
ngunit ako'y agad tinaboy nyo na
anghel nga kayo ngunit mapang-api"
ang anghel sa kanya'y agad tumugon:
"karima-rimarim ang iyong anyo
kaya sa langit dapat kang maglaho
at diyan sa lupa ka maglimayon"
kaya pala aswang ay nasa lupa
anghel silang anyo'y napakapangit
kaya itinaboy mula sa langit
at dito sa lupa'y pagala-gala
si Taning man ay di siya matanggap
sa impyerno'y pawang maganda't macho
aswang ay walang puwang sa impyerno
at wala sa kanya doong lilingap
aswang na ang anyo'y kahindik-hindik
gayong anghel siyang ubod ng bait
tumapang dahil laging nilalait
nagrebelde't lagim ang naihasik
iisa lang ang pangarap ng aswang
makabalik sa langit at tanggapin
anuman yaong kanyang anyong angkin
anghel pa rin siya sa kalangitan
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)