Martes, Disyembre 13, 2022

Di lang dayuhan

DI LANG DAYUHAN

di lamang mapang-aping dayuhan
kundi mapang-aping kababayan
at mapagsamantalang iilan
ang dahilan niring kahirapan

at sanhi ng ligalig sa masa
pati kabulukan ng sistema
di lang dayuhan, kababayan pa
ang sanhi ng pagsasamantala

España't Amerika'y nanakop
dayuhang mula ibang lupalop
Hapon at marsyalo'y sumalikop
turing sa ati'y para bang hayop

kaya sa mga awit at tula
ay tukuyin ang sanhi sa akda
di lang dayuhan kundi kuhila
at ang sistemang kasumpa-sumpa

- gregoriovbituinjr.
12.13.2022

Tikom at kuyom

TIKOM AT KUYOM

nais nilang tikom ang bibig ko
at manahimik na lamang ako
hindi maaari ang ganito
ayokong mabilog itong ulo

kaya di titikom yaring bibig
sa mga nangyayaring ligalig
marapat lang isinasatinig
ang anumang dapat inuusig

kaya di pwedeng bibig ko'y tikom
laban sa dusa, hirap at gutom
lalo't kamao ko'y nakakuyom
diyan ang buhay ko malalagom

ang kamao kong kuyom ay tanda
ng pagbaka sa tuso't kuhila
sistemang bulok nga'y sadyang banta
sa buhay ng manggagawa't dukha

- gregoriovbituinjr.
12.13.2022

Kinayod

KINAYOD

sinangag sa kawali'y kinayod
kamay man ay nangalay, napagod
ngunit sa agahan ay malugod
para bang hinahaplos ang likod

iyon ang ulam ko sa agahan
kaning bahaw ay pinainitan
isinangag, anong sarap naman
ng agahang may pagmamahalan

malamig na bahaw man ang kanin
bilin ni misis, huwag sayangin
ito nama'y makabubusog din
upang tiyan ay di hinahangin

kinayod ko ang natirang tutong
sa puso'y saya ang ibinulong

- gregoriovbituinjr.
12.13.2022