Biyernes, Setyembre 17, 2010

Pagsulong at Pagmate

PAGSULONG AT PAGMATE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa bawat labanan may iba't ibang taktika
upang pasukuin ang tusong kapitalista
panalo sa isa, sa iba'y baka di ubra
kaya sa bawat sulong, dapat mag-analisa

sa bawat tunggalian, dapat tayong magsuri
lalo't ang labanan ay tunggalian ng uri
kaya dapat mamate ng obrero ang hari
nang mapang-aping sistema'y di na manatili

halina't hanapin natin ang magandang tira
sa sitwasyon, anong taktika yaong uubra
kung sa pagsusuri mo, may tira kang maganda
hintay muna, baka diyan may mas maganda pa

pinag-aaralan kung paano ba mamate
yaong katunggaling sa atin ay nanlalansi
paggapi sa katunggali'y di tsamba, di swerte
kundi ito'y dahil sa magaling na diskarte

bawat sulong ay pag-aralan nating lubusan
sulong mo'y suriin, pati sulong ng kalaban
suriin ang kinakaharap na kalagayan
nang sa gayon ay di nila tayo maisahan

Mga Among Magnanakaw

MGA AMONG MAGNANAKAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

banyaga'y dumatal sa dalampasigan
sinakop nila ang bansa't hinugasan
ng dugo ng ating mga kababayan
winasak nila ang ating kalikasan
ngunit bansa pa natin yaong may utang

kaya ngayon sila na ang bagong amo
kinawawa't binusabos nila tayo
ginahasa ang kababaihan dito
magsasaka'y kanilang nilalatigo
piniga ang braso ng mga obrero

tinanggal nila ang ating karapatan
pilit inagaw ang ating karangalan
ninakaw nila ang ating likas-yaman
kinulimbat nila ang yaman ng bayan
sadyang magnanakaw ang among dayuhan

kababayan ang nagmistulang palaboy
sa bayang itong nagtila na kumunoy
sa sariling bayan tayo'y naluluoy
kaya dibdib ng bayan ay nag-aapoy
among magnanakaw dapat nang itaboy