Biyernes, Mayo 17, 2024

Naabot na ang Level 6000

NAABOT NA ANG LEVEL 6000

nakagiliwan ko ang app game na Word Connect
na nilaro santaon na'ng nakararaan
madaling araw pa'y walang patumpik-tumpik
nilalaro iyong tila aking agahan

sa salitang Ingles, ilan ang mabubuo
mula sa mga letrang doon nasasangkot
sa larong ito sadyang ako'y narahuyo
at ngayon, sa level six thousand na'y umabot

ang lebel na iyon ay parang gantimpala
sa isang manlalarong taga sa panahon
animnalibong laro'y sinagutang sadya
na para bagang iyon ay isa kong misyon

nilalaro lang iyon sa patay na oras
madaling araw, pagbangon bago magkape
maraming salitang natutunan kong wagas
daghang salamat ang tangi kong masasabi

- gregoriovbituinjr.
05.17.2024

Ang dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula"

ANG DALAWANG EDISYON NG AKLAT NA "JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA"
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mayroon na akong dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus" Mga Piling Tula" na ang pagitan ng pagbili ko sa mga ito ay dalawampung taon at apat na buwan. Ang editor ng mga nasabing aklat ay si National Artist for Literature Virgilio S. Almario.

Ang unang edisyon, na may paunang salita ng namayapa nang dating Senador Blas F. Ople, ay nabili ko sa halagang P250.00 sa National Book Store sa Gotesco Grand Central sa Lungsod ng Caloocan noong Disyembre 23, 2003. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na kalahating pulgada, at binubuo ng 252 pahina, 200 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 52 pahina ang naka-Roman numeral.

Ang ikalawang edisyon naman ay nabili ko sa halagang P350.00 noong Abril 17, 2024, sa Gimenez Gallery ng UP Diliman, habang inilulunsad doon ang 50th UMPIL National Writers Congress at ika-37 Gawad Pambansang alagad ni Balagtas. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na 7/8 pulgada, at binubuo ng 270 pahina, 260 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 10 naman ang bumubuo sa pahinang pampamagat, karapatang-sipi at talaan ng nilalaman.

Sa pabalat ng unang edisyon ay tatlo ang litrato ni de Jesus, habang isang litrato na lang sa binagong edisyon.

Sa unang edisyon, ang pambungad ni Almario, na may pamagat na "Mga Kuwintas ng Bituin at Luha: Isang Pagbabalik sa Buhay at Tula ni Jose Corazon de Jesus" ay nagsimula sa pahina xiii at nagtapos sa pahina l, o pahina 13 hanggang 50. Kaya 38 pahina iyon (50 - 13) + 1 = 38.

Sa ikalawang edisyon, nagkaroon ng mga dagdag o inapdeyt ni Almario ang pambungad, subalit umabot na lamang iyon ng 33 pahina, dahil mas maliit ang sukat ng font nito kumpara sa unang edisyon. Nakalagay din sa dulo niyon:

Unang bersiyon: 9 Oktubre 1984
Binago: 22 Oktubre 2022

Gayunpaman, napansin ko sa ikalawang edisyon na may ilang natanggal na tula mula sa unang edisyon.

Suriin natin ang talaan ng nilalaman. Hinati sa apat na kabanata ang mga tula, na nilagyan ng pamagat:

Ibong Asul - 32 tula sa unang edisyon; 29 tula sa ikalawang edisyon; 3 tula ang nawala

Ang Pamana - 38 tula sa unang edisyon; 32 tula sa ikalawang edisyon; 6 na tula ang nawala

Sa Siyudad ng Ilaw - 32 tula sa unang edisyon; 24 tula sa ikalawang edisyon; 8 tula ang nawala

Bayan Ko - 29 tula sa unang edisyon; 27 tula sa ikalawang edisyon; 2 tula ang nawala

Kung isasama ang pambungad na tulang Paghahandog na nasa una't ikalawang edisyon, na hindi kasama sa mga nabanggit na kabanata, ang unang edisyon ay binubuo ng 132 tula, habang ang ikalawang edisyon ay binubuo na lamang ng 113 tula, at 19 na tula ang tinnggal sa ikalawang edisyon.

Kaya maganda pa ring mayroon ako ng unang edisyon dahil mababasa ko pa rin ang nawalang 19 na tula sa ikalawang edisyon.

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

ANG AKLAT NG MGA TULA NI HUSENG BATUTE

mayroon na akong / dalawang edisyon
ng aklat ng tula / ni Jose Corazon
de Jesus, tunay na / naging inspirasyon
sa tugma't sukat na / dito natitipon

ngunit una'y tila / iba sa ikalwa
pagkat labingsiyam / na tula'y wala na
siya namang aking / ipinagtataka
na tulang nawala'y / wala ring kapara

gayunman, saludo / pa rin kay Sir Rio
siyang nagsaliksik / at nagtipon nito
nagkaroon tayo / ng nasabing libro
mga tulang ginto / bagamat di puro

tanging masasabi'y / maraming salamat
mga tula rito'y / nakapagmumulat
tulang Manggagawa'y / inspirasyong sukat
na paborito kong / agad nadalumat

05.17.2024

"Babae na" o "Babaeng", "Dalagita na" o "Dalagitang"?

"BABAE NA" O "BABAENG", "DALAGITA NA" O "DALAGITANG"?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahayagang Pilipino Star Ngayon (PSN) na may petsang Mayo 17, 2024, may dalawang pamagat ng balita o artikulong nakakuha ng aking atensyon. Ang una ay may pamagat na "Babae na maraming pinaretoke para gumanda, tumunog sa airport scanner ang mga 'turnilyo' sa kanyang mukha", pahina 5. Ang ikalawa ay may pamagat na "Dalagita na nais kumalas sa nobyo, pinatay" na nasa pahina 9..

Hindi ko na tatalakayin ang nilalaman ng balita, kundi ang paggamit ng sumulat sa pang-angkop na "na" at "ng".

Parang hindi Pinoy o marahil ay gumamit ng google translate o artificial intelligence (AI) ang nagsalin ng pamagat ng unang artikulo. Makiikita mo agad ito sa "Babae na" na dapat ay "Babaeng" kung Pinoy talaga ang sumulat. Mas maayos na pamagat ay "Babaeng maraming pinaretoke para gumanda..." O mas mainam pa, "Babaeng maraming pinaretoke upang gumanda..."

Marahil ay Pinoy naman ang nagsulat ng ikalawang artikulo dahil ang lunan ng pinangyarihan ng balita ay Tanauan City sa Batangas, subalit parang isinalin din lang ang balitang marahil ang orihinal ay nasa wikang Ingles. Dahil kung Pinoy talaga ang manunulat nito, dapat ang pamagat ay "Dalagang nais kumalas sa nobyo, pinatay."

Sa google translate ay hindi niya kayang magsalin ng "Babaeng... at "Dalagang..." dahil nga verbatim o word by word ito nagsasalin, kaya masasabi mong Barok ang pagkakasalin.

Magandang sangguniin natin ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata IX. Ang mga Pang-angkop, pahina 105-107. 

(a) Kapag ang unang salita'y nagtatapos sa katinig, maliban sa n, anyong "na" ang ginagamit, at isinusulat nang hiwalay.

masipag na tao
pag-ibig na nabigo
sumusulat na madalas

(b) Kapag ang huling titik ng unang salita ay patinig, anyong "ng" ang ikinakabit sa hulihan ng tinurang salita. Halimbawa:

masayang mukha (hindi masaya na mukha)
ugaling pangit (hindi ugali na pangit)
tayong mga Pilipino (hindi tayo na mga Pilipino)

(K) Kapag titik n ang huling titik, anyong g ang ikinakabit.

mahinahong magsalita (hindi mahinahon na magsalita)
bayang magiliw (hindi bayan na magiliw)
kabuhayang maralita (hindi kabuhayan na maralita)

Kaya nga ang pamagat ng dalawang artikulo ay hindi maayos, dahil dapat mas ginamit ang "Babaeng..." imbes na "babae na..." at "Dalagitang..." at hindi "Dalagita na..."

May sinabi pa si LKS hinggil dito, sa pahina 107, "Subalit ang mga kalayaang ito ay karaniwang di nagpapakilala ng kalinisan ng pananalita; kaya't hangga't maiiwasan ay di dapat gamitin ng nagsasalita, sumusulat o tumutula, kundi kung totoo na lamang kailangan o siyang nababagay kaysa sa himig ng pagsasalita."

Kumatha ako ng tula hinggil sa usaping ito"

HINGGIL SA PAMAGAT NG BALITA

may napuna akong dalawang barok na titulo
sa iisang diyaryo, lalo sa paggamit nito
ng "na" imbes idikit ang "ng" sa unang salita
tulad ng "babae na" imbes "babaeng" na tama

dapat inaaral ng mismong mga nagsusulat
ang balarila natin lalo't kita sa pamagat
kung barok o hindi, kung salin iyon mula google
o isinalin ng A.I., dapat ito'y mapigil

bagamat wikang pambansa'y tuluyang umuunlad
ay huwag hayaan ang mga barok na palakad
tulad ng gamit ng "kina" na ginagawang "kila"
huwag magsawang punahin ang maling nakikita

05.17.2024

* mga litrato'y kuha ng may-akda