Lunes, Abril 19, 2021

Ang polusyon

ANG POLUSYON

nakatalungko sa sulok
ang makatang tila lugmok
dahil nakasusulasok
na ang naglipanang usok

nakakasuyang polusyon
ay isang malaking hamon
anong dapat na solusyon
upang mawala paglaon

sadyang nakakatulala
ang usok na sumisira
sa mga baga ng madla
ang magagawa ba'y wala

huwag nating isantabi
ngunit isiping maigi
kung anong makabubuti
sa mundong sinasalbahe

tambutso'y laging linisin
mga coal plants ay alisin
dapat luminis ang hangin
na ating dapat langhapin

sa baga'y nakasisikip
ang polusyong di malirip
sana, mundo pa'y masagip
ikaw, anong nasa isip?

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Ilang aklat sa kalikasan

ILANG AKLAT SA KALIKASAN

ilang aklat sa kalikasan
ang naroroon sa harapan
sana'y makabili rin naman
panlagay sa inyong aklatan

babasahing mahahalaga
sa kinabukasan ng masa
na mundo'y alagaan sana
ah, collectors' item talaga

bakit aalagaan natin
ang daigdig na tahanan din
ninyo at ng lahat sa atin
sa mga bata'y pamana rin

magandang basahin mo naman
Philippine Native Trees 1O1
upang inyo namang malaman
katutubong puno ng bayan

halina't magbasa ng aklat
na sadyang nakapagmumulat
may misyon kang madadalumat
na mundo'y alagaang sukat

- gregoriovbituinjr.

Sa ilalim ng liwanag ng buwan

SA ILALIM NG LIWANAG NG BUWAN

ang diwata't kanyang kabalyero'y nasa karimlan
subalit natatanglawan ng liwanag ng buwan
animo'y kayraming asukal sa pagkukwentuhan
sa tamis ng pagsinta sa lockdown na di malaman

naisasalaysay ang mga danas sa kaniig
habang nangungusap ang mga matang nakatitig
di man magsalita, tibok ng puso'y naririnig
habang mutya'y kinulong ng kabalyero sa bisig

minsan nga'y naikwento rin ang danas na panimdim
pati mga karanasan sa panahong kaydilim
ngunit sa tag-araw may kasanggang punong malilim
mabuti't matinik man ang rosas ay masisimsim

ilan lang sa kwento ng pagbabahaginan nila
sa ilalim ng liwanag ng buwan ay kaysaya
magkalapit pa rin kahit magkalayo man sila
ganyan pag ang puso'y nagsumpaan sa isa't isa

- gregoriovbituinjr.

Ang planner

ANG PLANNER

binigyan kami ng planner sa isang opisina
nang sa kanilang opis nagpulong ang mga kasama
planner na animo'y kwaderno sa kapal talaga
marami kang masusulatan sa mga pahina

sa loob pa'y may talambuhay ng mga bayani
ng karapatang pantao't sa bayan nga'y nagsilbi
kung saan maraming kapwa aktibista ang saksi
upang sa bayan, pagpapakatao'y mamayani

planner din ay paalala sa itinakdang pulong
na di malilimot kahit dama'y kutya't linggatong
aba'y walang ganito sa panahon ni Limahong
ni hindi pa rin uso noong nineteen kopong-kopong

anong silbi nito kung di gagamitin ng wasto
kung di lalamnan ang mga petsang nalagay dito
kayganda ng planner upang gawain mo'y planado
kaya maraming salamat sa nag-imbento nito

sa mga takdang pulong ay walang malilimutan
gawin mo rin itong diary o talaarawan
kung saan itatala mo'y ideya't karanasan
o tipunan ng tula sa bawat petsang nagdaan

- gregoriovbituinjr.