Sabado, Pebrero 22, 2014

Panalangin para sa Kalikasan

PANALANGIN PARA SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ito ang biglaang tulang nilikha ng makata bilang pagpapaunlak sa kahilingan ng ilang mga dumalo sa talakayang Kamayan para sa Kalikasan nitong Pebrero 21, 2014, araw ng Biyernes, na magbigay ng panalangin matapos ang pag-awit ng Lupang Hinirang. Magsisimula na ang talakayan nang ang tula'y kanilang hiniling. Ang Kamayan para sa Kalikasan ay buwanang talakayan sa Kamayan Restaurant sa Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas na ginaganap tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan. Nagsimula ito noon pang Marso 1990.)

ang kalikasan ay ating kapatid
ang buhay nila'y di dapat mapatid
huwag hayaang sa sama sila'y mabulid
ang kalikasan ay sa buti natin ihatid
na sa kapwa mamamayan ay ating ipabatid
pagkat ang kalikasan ay buhay
at bawat buhay ay ating kapatid

Kung sino ang totoong mabangis

KUNG SINO ANG TOTOONG MABANGIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"A savage is not the one who lives in the forest, but the one who destroys it."

sino nga ba ang tunay na may ugaling mabangis?
yaon bang taong gubat na may sibat na matulis?
o yaong tagalungsod na gubat ay tinitiris?
upang magkamal ng salapi't gubat ang interes?

tahanan ng taong gubat ang buong kagubatan
umano ang diyos nila'y sa puno nananahan
mabangis ba sila dahil walang pinag-aralan?
gayong ang gubat nga'y kanilang pinoprotektahan

taong gubat ba o kapitalista ang mabait
di ba't ang mapanira ng gubat yaong malupit
nang dahil sa tubo'y kayrami nilang ginigipit
puno'y ginawang troso ng mayamang mapanlait

kabangisan ay wala sa anyo ng pamumuhay
naroon iyon sa ugaling mapanirang tunay
taong gubat man kung mapayapa sila sa buhay
daig pa ang sibilisadong tubo lang ang pakay