Miyerkules, Oktubre 13, 2021

Pagbungad ng Haring Araw

PAGBUNGAD NG HARING ARAW

bumungad din ang Haring Araw malipas ang unos
matapos ang buong paligid ay sadyang inulos
ng sindak ng bagyong ang kalikasan ang tinuos
pagluha't ngitngit ni Maring ay tuluyang naubos

ngumiti ang araw matapos ang matinding ulan
pakiramdam ko'y luminis din ang kapaligiran
bagamat maulap pa rin ang buong kalangitan
na sakali mang bumagyo muli'y mapaghandaan

narito ako sa terasa, minasdan ang langit
anong ganda ng panginorin sa pagkakaukit
habang musa ng panitik sa akin ay lumapit
at ibinulong, "makata, magpagaling sa sakit!"

lumayo ang bagyong kayraming pinsalang iniwan
tulad ng paglubog ng tanim sa Strawberry Farm
sana'y sinama ni Maring sa paglayo ang variant
ng covid na nanalasa sa buong kabayanan

- gregoriovbituinjr.
10.13.2021

Akses

AKSES

nang magblakawt, tila nawalan ng akses sa mundo
walang internet, walang wifi, walang pesbuk dito
mabuti't laging nariyan ang itim kong kwaderno
at bolpen upang patuloy mag-ulat at magkwento

nakasusulat sa liwanag lamang ng kandila
tulad ng panahon ni Rizal, bayani ng bansa
kwento niya sa gamugamo'y aral na dakila
pamana niyang pabulang sadyang kahanga-hanga

kayraming paksang nagunita sa gitna ng dilim
tulad ng nangyaring panahong karima-rimarim
dahil sa tokhang at patayang nagdulot ng lagim
walang galang sa due process of law, budhi'y nangitim

kumatha sa panahong umunos at anong ginaw
naroroong ginugunita ang mga pumanaw
at inilalarawan ang magsasaka't kalabaw
sana matapos na ang bagyo't araw ay lumitaw

tila bumalik noong panahon ng kabataan
na laro tuwing gabi'y patintero sa lansangan
wala pang internet, wifi at pesbuk ngunit namnam
yaong saya sa ilalim ng liwanag ng buwan

- gregoriovbituinjr.
10.13.2021

Bagang

BAGANG

kahapon, dama'y gumuguhit ang ugat sa mukha
di naman kumikirot, ramdam ko lang itong pawa
itinulog ko na lang ito, magdamag ininda
ay, konektado pala ito sa bagang kong sira

paggising ng umaga'y agad akong nagsepilyo
bakasakaling humupa ang naramdamang ito
dapat itong patingnan sa dentista, sa wari ko
paghigop ng mainit, gumuhit muli sa noo

ngipin ko'y di naman sumasakit o kumikirot
pahinga lang ng konti't guniguni'y pumalaot
sa dagat naglutangan ang basurang di mahakot
ito nama'y pinagmumulan ng maraming gusot

mga siyokoy at sirena'y nagtulungan doon
upang kalat ng mga tao'y kanilang matipon
anong gagawin, tanong nila, sa basurang iyon
ibalik sa mga tao, ang agad nilang tugon

ang ugat sa kaliwang noo ko'y muling gumuhit
tinga sa ngipin ko'y tila basurang nagngangalit
kaya ba gumuguhit ay nagbabadya ng sakit
at ako'y napatingala sa maulap na langit

- gregoriovbituinjr.
10.13.2021

Nagliparang yero

NAGLIPARANG YERO

isang gabi pa nagliparan, kahapon bumungad
dahil sa lakas ng bagyong Maring, yero'y lumipad
sa likod-bahay at sa terasa nang ginalugad
mabuti't walang tao kung saan ito sumadsad

sa mga unos na nagdaan na'y pangkaraniwan
ang mga yero't iba pang bagay ay magliparan
marami rin ang natamaan nito't nasugatan
dahil binaha, lumubog ang bahay, naglabasan

aba'y kaytalas ng yero't balat mo'y hihiwain
baka pag nilipad nga'y di mo alam ang gagawin
pag sa iyo papunta, paano mo sasaluhin?
pag di nailagan, baka disgrasya'y aabutin

naririto lamang akong nakatitig sa yero
tulad ng kisame'y panabing din ito ng tao
mula sa lamig ng gabi, init ng araw, bagyo
ngunit mapanganib kung lumipad tulad ng loro

- gregoriovbituinjr.
10.13.2021

Blakawt

BLAKAWT

kamakalawa, alas-singko y medya ng hapon
hanggang gabi, blakawt, at umaga, buong maghapon,
kaninang madaling araw, nagkailaw lang ngayon

ikawalo pa lang ng gabi, humiga na kami
pumikit lang, di nakatulog ng dalawang gabi
pulos agam-agam sa panahong walang kuryente

kaylakas din ng bagyo, punung-puno ang alulod
ako'y nasa bundok, paano pa kaya sa lungsod
tiyak na roon, laksang basura na'y inaanod

kalampagan ang mga yero noong isang gabi
kumpara kay Ondoy at Pepeng, baka mas matindi
huwag naman sana, nasalanta'y kawawang saksi

ngayong araw, kahit paano'y humupa ang ulan
madulas ang lansangan, maulap ang kalangitan
mahirap pang lumabas, kung madapa'y masugatan

- gregoriovbituinjr.
10.13.2021