Martes, Marso 15, 2022

Panawagan

PANAWAGAN

asembliya nila'y dinaluhan
panawagan nila'y pinakinggan
dapat nang paigtingan ang laban
sa abotkayang paninirahan
at buhay na may dignidad naman

aba'y napakahalagang sadya
ng panawagan ng mga dukha
abotkayang pabahay sa gitna
ng mga problema, dusa't luha
ito kaya'y kanilang mapala

handa rin sila sa pagtutuos
kaya magagawa nilang lubos
magtagumpay, problema'y matapos
walang aasahang manunubos
kundi ang sama-samang pagkilos

Mabuhay ang Piglas Maralita
alam naming inyong magagawa
anong dapat upang kamting pala
ang inyong mga inaadhika
para sa mga kasapi't madla

- gregoriovbituinjr.
03.15.2022

* litratong kuha ng makatang gala, 02.27.2022

Pakiusap

PAKIUSAP

kaygalang nilang makiusap
bagamat masakit malasap
basahin mo sa isang iglap
tila puso'y hiniwang ganap

pakiusap lang po sa iyo
huwag naman ilagay dito
iyang anumang basura mo
mahiya ka naman, O, ano?

kalinisan o kababuyan?
kalikasan o basurahan?
kapaligiran ba'y tapunan?
anong tingin ng mamamayan?

basura'y saan ilalagay?
o di rin tayo mapalagay?
pakiusap man, lumalatay
sa ating budhi'y lumuluray

kaya ano nang dapat gawin
kundi paligid ay linisin
pagtatapunan ba'y saan din
pag-usapan ninyo't sagutin

- gregoriovbituinjr.
03.15.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa isang napuntahang pamayanan

Sahod, Itaas; Presyo, Ibaba

SAHOD, ITAAS; PRESYO, IBABA

sagutan ang mga manggagawa:
"Sahod, Itaas! Presyo, Ibaba!"
sigawang naririnig ng madla
habang sa kalsada'y tumutugpa

kahilingan nila'y makatwiran
sinisigaw ay makatarungan
hiling na mapanuri, palaban
at dumadagundong sa lansangan

kaymahal na ng presyo ng bigas
nagmahal na rin ang presyo ng gas
sa probinsya, presyo ng sardinas
pareho sa N.C.R., ay, gasgas

kaya dapat din, sweldo'y pareho
sa N.C.R. at sa probinsya mo
niloloko na ang probinsyano
ng Regional Wage Board, sadyang tuso

kapitalista'y patatawirin
habang manggagawa'y lulunurin
dapat Regional Wage Board buwagin!
manggagawa'y niloloko lang din

- gregoriovbituinjr.
03.15.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa harapan ng DOLE, 03.14.2022

Tandang

TANDANG

anang tandang: "Mag-uumaga na!"
sa kanyang pagtilaok kanina
madaling araw pa'y ninikat na
si Pebo o Araw sa probinsya

halina't magbubukangliwayway
anong ganda ngayon ang magnilay
dapat kayong kumain ng gulay
nang katawan, lumakas na tunay

at ang mga tao'y nagsibangon
nag-inat, inalam petsa ngayon
nagmumog, naghilamos, naroong
nagluto na ng agahan doon

habang sa kisame pa'y tumitig
muna ang makatang nakiniig
sa diwatang kayganda ng tinig
sinasabayan niya ang himig

lumabas na rin siya sa kwarto
agad na nagmumog, nagsipilyo
nag-almusal, naligo ng todo
naghandang pumasok sa trabaho

ah, maraming salamat sa tandang
sa gawa sa umagang sumilang
sila ang mga hari sa parang
tumitilaok ng buong galang

- gregoriovbituinjr.
03.15.2022