Sabado, Agosto 21, 2021

Lipunang pangarap

LIPUNANG PANGARAP

isang sistemang parehas, lipunang manggagawa
ang pangarap naming itayo, kasama ng dukha
kami'y kumikilos tungo sa lipunang malaya
at walang kaapihan, lipunang mapagkalinga

kaya ngayon ay nakikibaka kaming totoo
upang itayo'y asam na lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
kalagayan ng tao sa mundo'y sosyalisado

ang kapitalistang sistema'y tuluyang palitan
nang mas abante't patas na sistema ng lipunan
anupaman ang tawag, kung sosyalismo man iyan
mahalaga'y pantay at parehas ang kalakaran

papalit sa uring kapitalista'y ang obrero
na siyang mamumuno sa lipunang makatao
walang maiiwan, pulubi man, sa pagbabago
lahat ay nakikipagkapwa't nagpapakatao

kung ugat ng kahirapa'y pribadong pag-aari
di na iyan dapat pang umiral ni manatili
pagsulpot ng iba't ibang uri'y dapat mapawi
pakikibaka mang ito'y pagbabakasakali

iyan ang pangarap ko't pangarap din ng marami
kaya sa pakikibaka'y nagpapatuloy kami
upang sa kahirapan, ang tao'y di na sakbibi
may paggalang sa dignidad, bawat isa'y kasali

- gregoriovbituinjr.
08.21.2021

Sa gitna ng pandemya

SA GITNA NG PANDEMYA

patuloy pa rin ang makauring pakikibaka
ng manggagawa kahit nasa gitna ng pandemya
paano na ang bukas at kalusugan ng masa
ang mamamayan ba'y may nakukuha pang ayuda

gayunpaman, bilin pa rin sa atin ay pakinggan
alagaan ang pamilya't ang ating kalusugan
kumain ng gulay at magpalakas ng katawan
magbitamina, magpakatatag, magbayanihan

mag-face mask, mag-alkohol, laging mag-social distancing
mag-face shield tuwina't sa labas ay huwag alisin
pag-uwi, damit at sapatos ay agad hubarin
maghilamos, magbanlaw, bagong damit ay suutin

kung walang pupuntahan, huwag lumabas ng bahay
ibang-iba na ngayon ang kalakaran ng buhay
dahil sa pandemya'y nag-iingat na tayong tunay
sana lang, tama ang palakad nila't walang sablay

dahil pag walang trabaho'y tiyak na walang kita
dahil pag walang kita'y magugutom ang pamilya
dahil inaabot ng walang pera'y pagdurusa
dahil gutom ang dinaranas pag walang ayuda

ganyan dito sa lungsod, di tulad sa lalawigan
masikip, dikit-dikit sa lungsod at pamayanan
kaya kung di mag-iingat, baka magkahawaan
habang mayorya'y sakbibi pa rin ng kahirapan

- gregoriovbituinjr.
08.21.2021

* litratong kuha ng makatang gala mula sa mga nasaliksik na babasahin sa aklatan ng opisina ng paggawa

Babasahin sa paggawa

BABASAHIN SA PAGGAWA

kung mababasa lang ang lathalaing paggawa
baka naghimagsik na ang nagtatrabahong madla
laban sa sistemang pinaiiral ng kuhila
o mga taksil na tubo lang ang inaadhika

samahan sa paggawa'y patuloy na umiiral
habang lipunang pangarap nila'y pinangangaral
mula sa primitibo komunal, alipin, pyudal
at paano palitan ang sistema ng kapital

mayroong hanggang reporma lang ang inaadhika
animo'y pinakikintab ang gintong tanikala
nais ng marami'y rebolusyon ng manggagawa
at itayo ang isang lipunang mapagkalinga

ang mga araling ito'y dapat nating basahin
mga babasahin itong dapat nating aralin
at kung kaya, bawat manggagawa'y pagkaisahin
patungo sa lipunang makatao'y pakilusin

- gregoriovbituinjr.
08.21.2021

* litratong kuha ng makatang gala mula sa mga nasaliksik na babasahin sa aklatan ng opisina ng paggawa

Ang buwan ko'y Agosto

ANG BUWAN KO'Y AGOSTO

sinilang man akong Oktubre, buwan ko'y Agosto
pagkat Buwan ng Wika kaya ito'y pinili ko
di lang malapit sa puso't diwa ang paksang ito
kundi paksang tagos na tagos sa kalooban ko

ang buwan ng Agosto'y buwan din ng Kasaysayan
tinataguyod ko ang Kartilya ng Katipunan
aktibo ring kasapi ng grupong Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan

pagpapayabong ng wika'y tungkulin ng makata
kaya pag Agosto'y aktibo sa Buwan ng Wika
di man makadalo sa programa'y katha ng katha
nag-aambag ng katutubong salita sa tula

isinilang ang bansa nitong buwan ng Agosto
nang sedula'y pinunit ng mga Katipunero
hudyat ng pakikibaka ng karaniwang tao
upang kalayaan ng bayan ay kamting totoo

dalawang paksa, Buwan ng Wika at Kasaysayan
mahahalagang isyu sa tulad kong mamamayan
na kahit di Agosto'y sadya kong tinututukan
na bigyang halaga ang historya't wika ng bayan

sariling wika't kasaysayang tagos sa puso ko
bilang mangangatha ng tula, sanaysay at kwento
sa nakakakilala, ito ang masasabi ko:
ako man ay Pulang Oktubre, buwan ko'y Agosto

- gregoriovbituinjr.
08.21.2021