Sabado, Marso 27, 2021

Tula sa munggo 2


TULA SA MUNGGO 2

kanina nga'y tuyot na munggo ang aking napansin
na dahil tuyot na'y tuluyan sanang tatanggalin
subalit namunga pala't nakapagpatubo rin
ngunit ngayon, luntiang bunga ang nakita man din

naisip kong magtanim-tanim dahil sa pandemya
kamatis, sili, bawang, sibuyas, munggo't iba pa
sa plastik na paso't dinidiligan ko tuwina
patunay na kung magsikap, ibubunga'y maganda

ang tulad ko'y lumaki man sa aspaltadong lungsod
di sa bukid kundi sa highway na nakakapagod
di sa pilapil kundi sa bato natatalisod
naging magsasaka sa lungsod na nakalulugod

unang beses ko itong magtanim sa pasong plastik
dito sa lungsod na pawang mga semento't putik
bagong aral, bagong karanasang nakasasabik
na kung magsikap magtanim, may mamumungang hitik

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa bakuran ng kanilang opisina

#magsasakasalungsod
#magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila
#tanimsaopisinasapasig


Tula sa munggo 1


TULA SA MUNGGO 1

natuyot na ang dahon at matigas na ang sanga
akala ko'y patay na nang mapansin kong namunga
na pala ang munggong tinanim ko ilang buwan na
kaya ko palang magpatubo, ramdam ko'y kaysaya

unang beses na namunga itong itinanim ko
sa plastik na paso, na inalagaan kong husto
bago sumikat ang araw, didiligan na ito
bago magtakipsilim, didiligan uli ito

nakapagpatubo rin ang magsasaka sa lungsod
lalo't vegetaryanismo'y aking tinataguyod
pagtatanim sa paso nga'y sadyang nakalulugod
may binunga rin ang anumang pagpapakapagod

may suloy na rin pati tanim kong sili't kamatis
sana, ilang buwan pa'y mamunga ang pagtitiis

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa bakuran ng kanilang opisina

#magsasakasalungsod
#magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila
#tanimsaopisinasapasig

Paskil

PASKIL

ipinaskil sa poste'y samutsaring patalastas
kung kailangan mo ng tubero't tubo'y may tagas
kung saan may mauupahan kang maaliwalas
at mayroong nangeenganyo: "Want to earn extra cash?"

contact number lamang sa selpon, madaling tawagan
upang agad matugunan ang iyong kailangan
sywmpre, negosyo iyan, tiyak pagkakakitaan
ng sinumang kapitalistang nais ay yumaman

paskil sa poste o sa pader, basta mababasa
ngunit hindi sa "post no bill" paskil ay ibandera
paskil ay serbisyong kinakailangan ng masa
paskil ay negosyo ng mga nais ding kumita

buti't hindi nahuhuli ang nagpaskil na iyon
malakas kaya sa itaas ang gumawa niyon
kung poster na pulitikal, baka nadampot iyon
dahil baka raw nananawagan ng rebolusyon

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Patalastas sa poste

PATALASTAS SA POSTE

patalastas sa poste'y naroong aking nabasa
may paupahang kwartong maaaring ipahinga
ang katawang pata, o kaya'y tirhan ng pamilya
bahay, pahingahan, tahanan, pugad ng pagsinta

marahil sa pahayagan, nilathala rin ito 
nagbabakasakaling may tumugon sa negosyo
o kaya, dahil isa lang ang paupahang ito
pinaskil na lang sa poste't wala nito sa dyaryo

may bayad din yaong bawat sentimetrong lathala
mahigit sandaang piso rin ang halagang sadya
kaya pinaskil na lang sa poste't kita ng madla

marahil, mahal ang bayad sa ganyang paupahan
ngunit kung isang pamilya ang dito'y mananahan
pagbabayad sa upa'y tiyak na paghahandaan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan