Linggo, Abril 2, 2023

CM + DC = MD

CM + DC = MD

nakasalubong kong muli ang gayong tanong
sa krosword na pulos letra ang dapat tugon
at Roman Numeral na naman ang ekwasyon
nine hundred plus six hundred ang tanong na iyon

one thousand five hundred ang sumatotal nire
C.M. plus D.C., agad kong sagot ay M.D.
di doktor ang tugon sa mutyang binibini
di rin iyon naibulong sa tatlong bibe

krosword man at di Sudoku o Aritmerik
pagsagot nito'y talagang nakasasabik
sa mahirap na tanong, diwa'y dinidikdik
makatang tulad ko'y di agad makaimik

buti't may nauna nang aking nasagutan
Roman numeral din ang ekwasyong nagdaan
salamat, naeehersisyo ang isipan
at naihahanda sa matitinding laban

- gregoriovbituinjr.
04.02.2023

Sa araw ni Balagtas

SA ARAW NI BALAGTAS

tumutula nang wagas
ang makatang makatas
sa mukha'y mababakas
anong nais malutas

sa bawat gabi'y handa
sa pagkatha't pagtugma
nakatungtong sa lupa
ang paa't talinghaga

ang lipunang pangarap
at sistemang hinagap
na kapwa mahihirap
ay talagang malingap

sa Araw ni Balagtas
kahit maong na kupas
ang suot, madadanas
ang bawat pagbalikwas

tula'y magpapatuloy
tula'y di maluluoy
ang tanim na sisiloy
magiging punongkahoy

- gregoriovbituinjr.
04.02.2023

Resibo

RESIBO

sa Semana Santa'y magbabakasyon muli
nais umalis kung saan namamalagi
upang sa kinalakhang probinsya'y umuwi
pansamantala, di pa upang manatili

dapat ay may ipon pambili ng resibo
bilang katibayan sa mga sinakyan mo
kayraming sa bulsa'y naipon kong totoo
pagbaba ng sasakyan, basura na ito

may panahong resibo'y napakahalaga
hangga't naglalakbay ay dapat nasa bulsa
pagkat ito'y hahanapin ng naninita
na pag naiwala mo'y pagbabayarin ka

hirap pag nawala, doble-doble ang bayad
resibo'y ingatan pag bus pa'y umuusad
kalaunan ay basurang di mo hinangad
ngunit kung saan-saan na lang napapadpad

- gregoriovbituinjr.
04.02.2023