Lunes, Agosto 17, 2015

Agos 'to ng kasaysayan

AGOS 'TO NG KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

panay ang agos ng batis ng kasaysayan
habang ginugunita ang kabayanihan
ng mga ninunong nagtanggol nitong bayan
ng mga pinunong dangal ng Katipunan
ng mga lumaban para sa kalayaan

buong Agosto ngayon na'y itinuturing
buwan ng kasaysayang dapat gunitain
kayraming pangyayaring dapat batid natin
halina't kasaysayan ay muling basahin
suriin, pagnilayan at baliktanawin

pagsilang ng bansa'y naganap ng Agosto
nang sedula'y punitin ng Katipunero
magkasabay din ang pagkagapi't panalo
sa Pinaglabanan ang unang pagkatalo
sa Pasig nama'y tagumpay ng Nagsabado

ginugunita rin sa Agosto'y pagbomba
sa mga bayang Nagazaki't Hiroshima
sa atin, may pagbomba sa Plaza Miranda
at pagpaslang doon sa tarmak ang isa pa
buwang kayraming nangyari sa pulitika

mga nabanggit na pangyayari’y ilan lang
na kayraming aral na dapat paghalawan
pagkat may mga saysay sa kasalukuyan
bawat kasaysayan ay huwag kaligtaan
agos ng saysay nito’y damhin ng tuluyan