Huwebes, Agosto 5, 2021

Pangangalampag ng maralita

PANGANGALAMPAG NG MARALITA

mahigpit kaming nakikiisa sa maralita
nang dahil sa lockdown ay nangalampag silang sadya
lalo't magugutom ang maraming pamilyang dukha
walang kita, lockdown na naman, nakakatulala

dahil daw sa Delta variant kaya nag-lockdown muli
gobyerno'y walang masagawang ibang tugon kundi
lockdown, kwarantina, ECQ, GCQ, lockdown uli
tugon ba ng pamahalaan ay ganito lagi?

perwisyong lockdown, para sa maralita'y perwisyo
intensyon sana'y maganda kundi gutom ang tao
di magkakahawaan subalit walang panggasto
di makapaghanapbuhay,  walang kita't trabaho

labinglimang araw na puno ng pag-aalala
dahil di sapat ang salapi para sa pamilya
upang matugunan ang gutom, wala ring ayuda
kung mayroon man, di pa nakatitiyak ang masa

kaya ang mga maralita'y muling nangalampag
mga panawagan nila'y kanilang inihapag
inilabas ang saloobin, di sila matinag
bitbit ang plakard ay nagkakaisang nagpahayag

- gregoriovbituinjr.
08.05.2021

* Ikalima ng hapon sa bisperas ng lockdown ay nangalampag ang mga maralita sa iba't ibang lugar sa bansa sa pangunguna ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
* Kuha ang ilang litrato mula sa iba't ibang eryang kinikilusan ng KPML, pasasalamat sa mga nagbahagi
* Ayon sa ulat, magla-lockdown sa Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20, 2021

Maling tanong sa palaisipan

Maling tanong sa palaisipan

Tingnan sa 30 Pahalang: "Sukat na katumbas ng tatlong pulgada." Ang pulgada ay inch sa Ingles. Anong sukat ang katumbas ng 3 inches?

Ang sagot sa palaisipan ay YARDA. Kung yarda, katumbas niyan ay 3 feet, hindi 3 inches. Tatlong talampakan o tatlong piye, hindi tatlong pulgada. "Sukat na katumbas ng tatlong talampakan" ang dapat na tanong. Sana'y naging maingat naman ang gumagawa ng mga krosword na ito. 

Nakalikha tuloy ako ng isang soneto o tulang may labing-apat na taludtod hinggil dito:

MALING TANONG SA KROSWORD

pamali-mali na ang tanong sa palaisipan
balak yatang ang sasagot ay bigyang-kalituhan
ngunit sa maling tanong, nakita ang kabugukan
o marahil kawalang ingat ng gumawa niyan

bakit ang tanong ay "katumbas ng tatlong pulgada"?
imbes na "tatlong talampakan" sa sagot na YARDA
lasing ba ang gumawa o nalito lang talaga?
matatalino ang gumagawa ng krosword, di ba?

ang palaisipan ay isa rin namang aralin
upang ang ating bokabularyo pa'y paghusayin
baka may salitang sa tula'y magandang gamitin
o may matagpuang salitang malalim sa atin

pagbutihin ang paggawa ng krosword, aking hirit
at ganyang pagkakamali'y di na sana maulit

- gregoriovbituinjr.
08.05.2021