Martes, Pebrero 23, 2010

Milyong Gastos sa Libong Sahod

MILYONG GASTOS SA LIBONG SAHOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kayrami nilang ang gusto'y tumakbo
upang makapagsilbi sa gobyerno
kahit kakarampot ang sahod dito
basta't sila raw ay magseserbisyo

marami ang nais kumandidato
at gagastos ng milyon-milyong piso
sa tatanggaping sweldong libo-libo
pag napwesto na'y babawiin ito

kaya ang pagtakbo'y parang negosyo
malaking puhunan para maboto
malaking lugi pag siya'y natalo
malaking saya pag siya'y nanalo

malaking gastos sa pagkandidato
malaking kakabigin pag napwesto
kaya nga negosyo itong pagtakbo
babawi muna imbes magserbisyo

Temptasyon

TEMPTASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig sa bawat taludtod

may dyablo sa loob kong nais kang mayakap
magkakasala ba ako, dilag kong hanap
isa itong temptasyong dapat hinaharap
pag-ibig kitang lagi kong nasa hinagap

habang gumagala ang anino sa loob
pagnanasa sa iyo'y tila ba kayrubdob
tila dyablo sa akin ay nakakubakob
parang ako'y mandirigmang nais lumusob

ngunit nirerespeto kita, aking pag-ibig
kahit nais kong hagkan ka sa pisngi't bibig
ay di ko ginawa baka ako'y mausig
kaya dyablo sa loob, pilit kong dinaig

mahal ko, ayokong sa iyo'y magkasala
at akong umiibig ay handang masala
mahal, ayokong ikaw sa aki'y mawala
sa puso nga't buhay ko'y tangi kang diwata

Nang dahil sa lansones

NANG DAHIL SA LANSONES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sabik akong binili'y isang kilong lansones
upang aking ihandog sa sinisintang labis
araw ng mga puso'y lansones na matamis
ngunit bakit ganoon, naramdaman ko'y hapis

ibinigay ko iyon sa isang binibini
na itinuturing ko'y musa ko't lakambini
anang dilag, huwag na akong bili ng bili
sa lansones nga siya'y tila nag-atubili

masama ang loob ko't labis akong nagdamdam
pagtanggi sa lansones ako'y tila naparam
ginawa niyang yao'y isang pagpaparamdam
sa puso ko'y pagtanggi't isang pagpapaalam

kinagabihang iyon, ako'y agad naglasing
tinungga ko'y kayrami, para akong napraning
niluha ang sinapit kong sadyang takipsilim
nilunod ko sa alak ang bawat kong panimdim

ilang araw-gabi ring sa sarili'y nawala
nilalakong lansones ng mga maralita
na alam kong kaytamis, sa wari ko'y mapakla
tila ito dinilig ng mapait kong luha

nang dahil sa lansones, ang puso ko'y nagdugo
tila ang pinadama'y sangkaterbang siphayo
ngunit danas kong yaon, kahit ako'y nabigo
na magmamahal pa rin itong iwi kong puso

Sa isang kilong lansones binigo

SA ISANG KILONG LANSONES BINIGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

sa lansones nagdugo
ang pag-ibig kong buo
sa sinta ako'y bigo
di ito isang biro

lansones ba'y mapakla
hindi, masarap pa nga
sadya kang matutuwa
pag natikman mong kusa

siya pa ang nagalit
sa lansones kong bitbit
sabi niyang may ngitngit
huwag akong uulit

ang bigay kong lansones
sa inibig kong labis
ay sakdal pagkatamis
ngunit ako'y naamis

akala ko'y gaganda
ang araw ko sa saya
dilag yata'y sawa na
sa handog ko sa kanya

di ito isang biro
sa lansones nagdugo
itong aking pagsuyo
ulo ko'y naging bungo