Miyerkules, Abril 13, 2022

Hibik sa Meralco

HIBIK SA MERALCO

aba'y kaytindi't mayroon na namang dagdag-singil
ang Meralco, aray ko po, ngayong buwan ng Abril
kada kilowatt-hour, higit limampung sentimo
kaya mamamayan talaga'y napapa-aray ko
di magkandaugaga, kaybaba naman ng sahod
kulang na lang yata'y magmakaawa't manikluhod
huwag kayong ganyan, dupang kayong kapitalista
bundat na kayo'y pinahihirapan pa ang masa
kandakuba na para may pambayad lang sa inyo
e, di naman tumataas ang sahod ng obrero
O, Meralco, babaan n'yo ang singil sa kuryente
parang masa'y lagi na lang ninyong sinasalbahe
O, mamamayan, galit nati'y ipakita naman
at ganyang bulok na sistema'y dapat nang palitan

- gregoriovbituinjr.
04.13.2022

* isyu batay sa balita sa Inquirer na may pamagat na:
Meralco rate hike in April biggest so far this year

Huwag magpabudol sa mandarambong

HUWAG MAGPABUDOL SA MANDARAMBONG

huwag hayaan sa kamay ng mandarambong
ang kinabukasan ng ating mga anak
pakatandaan natin kung nais isulong
ang magandang bukas ng ating mga anak

Budol-Budol Muli? aba'y maawa kayo
sa kakarampot na ayudang ibibigay
limang kilong bigas o limang daang piso
boto n'yo'y sa mandarambong pa iaalay

pera'y tanggapin ngunit iboto ang tama
para sa kaaya-ayang kinabukasan
huwag padala sa pangako ng kuhila
na paulit-ulit lamang tuwing halalan

ang pagboto sa trapo'y punong walang lilim
kahirapan ng bayan ay di nilulutas
pagboto sa mandarambong, kapara'y lagim
huwag magpabudol sa mga talipandas

tama na, sobra na ang mga trapong salot
huwag hayaan sa kamay ng mandarambong
ang bukas ng mga anak, nakakatakot
kung mabubudol muli ng mga ulupong

- gregoriovbituinjr.
04.13.2022