Biyernes, Agosto 29, 2025

Merong dalawang pulis manyakis

MERONG DALAWANG PULIS MANYAKIS

merong dalawang pulis manyakis
na ginalaw ay babaeng pulis
tila libog nila'y di natiis
sinalbahe pa'y babaeng pulis

kung mayroon mang pulis patola
ay may pulis manyakis pa pala
na sa kabaro nagsamantala
at sa babaeng kasamahan pa

Safe Spaces Act ba'y ikakaso?
o ang kaso'y administratibo?
ililipat lang sila ng pwesto?
babaeng pulis nga'y agrabyado!

siya'y pinainom daw ng alak
at hinipuan ng mga manyak
aba'y bakit kapwa nila parak
ay kanila mismong pinahamak

magkakayunit pa sila, sabi
ngunit siya pa ang sinalbahe
kaytinding epekto ng nangyari
sa puso't isipan ng babae

buti't sa taas siya'y nagsumbong
subalit nais nating itanong:
mga manyak kaya'y ikakanlong
ng nasa taas o ikukulong?

nangyari'y sadyang nakagagalit
hustisya kaya'y kanyang makamit?
at mapakulong ang malulupit?
o buhay pa'y malagay sa bingit?

- gregoriovbituinjr.
08.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 28, 2025, Pang-Masa at Remate, Agosto 29, 2025

Matanda na si Bata, may mahika pa rin

MATANDA NA SI BATA, MAY MAHIKA PA RIN

matanda na si Bata, may mahika pa rin
kilalang "Magician", di pa kinakalawang
pitumpu't isang anyos, talagang kaygaling
wala pa ring kupas ang matandang "Magician"

patuloy na gumagabay at inspirasyon
si Bata sa mga baguhang bilyarista
kaya nananalo sa mga kumpetisyon
saanmang bansa sila maglaro't magpunta

pagpupugay sa iyo, Efren "Bata" Reyes
tunay kang kinararangal ng ating bansâ
sa bawat sargo mo o tirang anong nipis
ang mga Pinoy at banyaga'y namamanghâ

Maligayang Kaarawan, aming pagbati
sa iyo, Efren "Bata" Reyes, pagpupugay!
paghanga namin sa iyo'y nananatili
bayani kang tunay! mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
08.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Agosto 28, 2025, p.8