malaking tulong talaga sa pagsasalin
itong mga diksiyonaryong nasa akin
na pinag-ipunan kong sadya upang bilhin
upang magawa ang tungkulin kong magsalin
datapwat dapat maunawaan mong sadya
ang lengguwahe ng isasalin mong akda
lalo na kung iyong isasalin ay tula
isasalin sa paraang sukat at tugma
mga salita'y piling-pili kung dapat man
naaangkop at wasto sa pakahulugan
kung sinalin mo mula sa wikang dayuhan
pag iningles ang salin mo'y iyon din naman
gamitin ang talatinigan o glosaryo
ang talasalitaan o bokabularyo
ang talahuluganan o diksiyonaryo
upang pagsasalin mo'y matiyak mong wasto
subalit dapat mo munang maunawaan
di lamang yaong literal na kahulugan
lalo kung ideyoma ang salitang iyan
upang pagsasalin ay wastong magampanan
- gregoriovbituinjr.
06.07.2022