Linggo, Nobyembre 30, 2008

Pagpapahalaga sa Salita

PAGPAPAHALAGA SA SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Kung nais mo ng buhay na payapa
Tuparin mo ang pangako't salita
Pagkat salita mo ang iyong mukha
At ang pangako mo ang iyong sumpa.

Kaya dapat lamang pahalagahan
Yaong may mabubuting kalooban.
Sapagkat sila'y tapat sa usapan
Salita'y binibigyang katuparan.

Kung minamahalaga ang salita
Ikaw ay tiyak na kahanga-hanga
Ang dumaan man ay anumang sigwa
Tiyak na tulad mo'y di magigiba.

Payapang mundo'y ating makakamtan
Kung salita'y pinahahalagahan.

- Iligan City
Nobyembre 27, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Mekanismo ng Usapan

MEKANISMO NG USAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig, soneto

Ang sabi ng gobernador, sa aking hinagap
Upang makamit ang kapayapaang pangarap
Dapat may bagong mekanismo sa pag-uusap
Ito ang dapat ayusin at mangyaring ganap.

Kung ang mga rebelde'y agad na papayagang
Bumalik na sa usapang pangkapayapaan
At magpalakas sila habang tigil-putukan
Ito'y pagbalewala sa mga namatayan.

Katarungan ang hanap ng mga apektado
Sino ang dapat sisihin sa digmaang ito
Ito ang dapat sagutin sa maraming tao
Pagkat nawasak na ang buhay nila sa gulo.

Pag-uusap dapat ay may bagong mekanismo
Pagkat ang dati raw ay di na uubra rito.

- Provincial Capitol, Lanao del Norte
Nobyembre 26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Lumuluha ang Maraming Ina

LUMULUHA ANG MARAMING INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig, soneto

Lumuluha ang maraming ina
Pagkat pati mga anak nila
Ay nadamay at naging biktima
At sa gyerang ito'y nagdurusa.

Nasira ang maraming taniman
Nasunog ang kanilang tahanan
Nawala pati ang kabuhayan
At pati pamilya'y namatayan.

Ang digmaan ay tila berdugo
Na sumira sa kayraming tao
Lumaganap ang maraming gulo
Gyera'y sadyang nakatutuliro.

Mga ina'y patuloy ang luha
Hibik nila'y wakasan ang digma.

- Kauswagan, Lanao del Norte
Nobyembre 26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Alitan ay Wakasan

ALITAN AY WAKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Kung sa ating puso't kaibuturan
Nagmumula yaong kapayapaan
Dapat palang masimulang linisan
Ang ating diwa, pati kalooban.

Kung malinis ang ating kalooban
Haharapin nati'y kapayapaan
Kaya kung may namumuong alitan
Gagawan ng paraang pag-usapan.

Ang isang daan sa kapayapaan
Ay paggamit ng payapang paraan
Ang anumang alitan ay wakasan
Pag-usapan ang mapagkasunduan.

Kaya't lagi nating pagsisikapan
Na bawat isa'y magkaunawaan.

- sinulat sa isang open awditoryum kasama ang mga estudyante at kabataan sa Kolambugan, Lanao del Norte, Nobyembre 26, 2008

Dapat Buhay ay Payapa

DAPAT BUHAY AY PAYAPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Dapat sa buhay nati'y walang banta
Walang anumang alitan at digma
Dapat tamasa rin natin ang laya
Mula sa krimen, alitan at luha.

Kung anuman ang dumating na sigwa
Ay patuloy tayong magpakumbaba
Ito'y napakatamis na adhika
Upang mamuhay tayo ng payapa.

Pangarapin nating wala nang digma
Na gugulo sa ating puso't diwa
Pangarapin nating wala nang luha
Na dadaloy dahil di umunawa.

Kung kapayapaan lagi ang wika
Tao sa mundong ito'y mapayapa.

- Iligan City
Nobyembre 26, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Dili Mi Peste

DILI MI PESTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Mula sa barko sa aming pagdating
Agad naglakbay hanggang sa mapansin
Rali sa korte sa ami'y gumising
Ang sigaw nila, "Hindi kami saging."

"Di kami pesteng dapat maispreyan
Pagkat kami'y taong may karangalan
Na dapat lang naman nilang igalang
Kami'y di mga peste sa sagingan."

Ang karabana'y agad sumuporta
Sa panawagan nila ng hustisya
Para sa mga nagkakasakit na
At sa patuloy nilang pagdurusa.

Ang mga tao'y dapat nang pakinggan
At hustisya'y igawad ng hukuman.

- sinulat ng makata sa harap ng gusali ng korte ng Cagayan de Oro habang nagrarali ang mga lumalaban sa aerial spraying sa Davao, habang ang mga ito'y nakasuot ng pulang tela sa ulo na nakasulat "Dili mi peste" na may bungo sa gitna, Nobyembre 26, 2008.

(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Ang Hiling ni Muchtar

ANG HILING NI MUCHTAR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

(Si Muchtar ay 13-anyos na batang lalaki at isang bakwit, taga-Pagangan, Maguindanao. Kasama siya sa Peace Caravan mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Sa lugar nila nang magkadigmaan
Pati mga bata'y naapektuhan
Marami ang nawalan ng tahanan
At nakaranas din ng kagutuman.

Kabilang dito ang batang si Muchtar
Na napaalis sa kanilang lugar
Natigil na siya sa pag-aaral
Pamilya pa niya'y gutom at pagal.

Kaya si Muchtar nang kanyang malaman
Na may ilulunsad na Peace Caravan
Siya'y sumama upang manawagan
Na wakasan ang nangyaring digmaan.

At mula doon sa lugar ng digma
Sumama sa karabanang mahaba
At naging isang tagapagsalita
Na kapayapaan ang winiwika.

Ang Peace Caravan saanman magpunta
Hinihiling niyang matigil sana
Yaong digmaang nagbigay ng dusa
Nang pag-aaral ay matapos niya.

Simpleng kahilingan ng isang bata
Nais niyang matigil na ang digma
Tulad din ng hiling ng matatanda
Upang bayan nila'y maging payapa.

Hiling ni Muchtar ay ating pakinggan
Nang makapag-aral siyang tuluyan
Kasama ang iba pang kabataan
Pagkat sila itong bukas ng bayan.

- sinulat sa barko ng Negros Navigation at tinapos sa Cagayan de Oro, Nobyembre 26, 2008.