Martes, Oktubre 21, 2025

Aga, iga, ugâ


AGA, IGA, UGÂ

ilang lindol na ba ang nagdaan?
ilang lungsod na ba ang binahâ?
ilang senaTONG na ang kawatan?
ilang flood control ang di nagawâ?

dapat kay-aga nating mabatid
anumang sakunang paparating
anumang mangyari sa paligid
dahil may instrumentong magaling

kailan ba baha'y maiiga?
kung maayos na ba ang flood control?
pag-uga'y dapat paghandaan na
ay, dapat makaiwas sa lindol

tayo'y marapat magtulong-tulong
pag matinding pag-uga'y dumatal
paghandaan saan magkakanlong
paghahanda'y sa diwa ikintal

- gregoriovbituinjr.
10.21.2025

Sa hagupit ng kalikasan at pulitiko

SA HAGUPIT NG KALIKASAN AT PULITIKO

tumitindi ang hagupit ng kalikasan
at pulitikong binoto ngunit kawatan
sa baha't lindol, mag-ingat ang taumbayan
trapong kawatan na'y dakpin at parusahan

sa kalikasan, masa'y may adaptasyon pa
at mitigasyon ngunit ingat din talaga
maghanda sa mangyayari't mananalasa
lindol at pagbaha'y paghandaan ng masa

ang kinupitang ghost flood control na proyekto
buwis ng bayan ang kinawat na totoo
aba'y sabay-sabay nilang dinedelubyo
ang bansang Pilipinas, aray ko! aray ko!

di lamang basta milyon, kundi bilyon-bilyon
ang nakaw ng mga buwayang mandarambong
ng mga TONGtraktor, TONGresista't senaTONG
kawatang dapat nang managot at makulong!

ay, sadyang kaylupit ng kanilang hagupit
dapat lang ang bayan ay talagang magalit
ibagsak silang sa kabang bayan nangupit
at tiyakin ding di sila makapupuslit

- gregoriovbituinjr.
10.21.2025

Pag naalimpungatan sa madaling araw

PAG NAALIMPUNGATAN SA MADALING ARAW

matutulog akong may katabing pluma't kwaderno
na pag pikit na'y may mga paksang dumedelubyo
sa diwa, laksang isyu'y lumiligalig ng husto
nang maalimpungatan, agad isinulat ito

kayâ dapat nakahandâ na ang kwaderno't pluma
tulad ng mga Boy Scout na laging handâ tuwina
tulad ng aktibistang handâ sa pakikibaka
tulad ng makatang Batutè na idolo niya

habang napapanaginipan ang sinintang wagas
habang protesta ng sambayanan ay lumalakas
habang pinapangarap ang nasang lipunang patas
habang dumadapong lamok ay agad hinahampas

kayâ tayo'y dapat laging handâ kahit lumindol
handang tuligsain silang kurakot sa flood control
lalo't sa kaban ng bayan bulsa nila'y bumukol
handâ pati kwaderno't pluma maging sa pagtutol

- gregoriovbituinjr.
10.21.2025