Miyerkules, Hulyo 29, 2009

Ang Huling SONA ni Gloria

ANG HULING SONA NI GLORIA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

1
sadyang asar na asar itong taumbayan
sa huling SONA ni Arroyo sa Batasan
dahil pawa raw mga kasinungalingan
ang kanyang mga ulat sa harap ng bayan.
2
ang SONA ni Gloria'y parang isang konsyerto
na pinanood ng mga kampong demonyo
doon ay nagkumpulan itong mga trapo
tila nag-aabang lang ng pork barrel dito.
3
bayang nakinig ay maraming katanungan
bakit pawang kasinungalingan na naman
yaong kanyang iniulat sa taumbayan
at ang pagsasabi ng totoo'y kailan.
4
may ginawa ba siya para sa obrero
bakit marami ang nawalan ng trabaho
bakit yumayaman ay pawang mga trapo
at kaunlaran ay ramdam lang ni Arroyo.
5
sa trabaho'y sunod-sunod na ang tanggalan
at demolisyon ng aming mga tahanan
pinalalayas pa ang vendors sa lansangan
at ramdam pa rin ng masa ang kahirapan.
6
nagpapatuloy pa itong globalisasyon
na salot sa masa, manggagawa at nasyon
obrero'y biktima ng kontraktwalisasyon
maraming dukha'y biktima ng demolisyon.
7
sa huling SONA ni Gloria, anang obrero:
"ikaw yata'y isang walang kwentang pangulo
pinaikot-ikot mo lang ang aming ulo
at walang napala sa siyam na taon mo."
8
ang sabi naman ng maraming maralita:
"si Gloria'y magaling lang mangako sa dukha
wala pa ring bahay, kami pa ri'y tulala
at patuloy pang isang kahig, isang tuka."
9
ang huli niyang SONA'y pawang pambobola
habang trapo'y pumapalakpak pati tenga
yaong kaunlaran nga'y ramdam lang ni Gloria
habang patuloy pa rin ang hirap ng masa.
10
ang huling SONA ni Gloria sana nga'y huli
baka huling SONA lang bilang presidente
dahil kung bansa'y magiging parlyamentari
baka mag-Prime Minister na si Gloriang bwitre.

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 2, Taon 2009, p. 8.

Pera-pera Lang Pala Sila

PERA-PERA LANG PALA SILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

pera-pera lang daw itong mga trapo
at ginagawang negosyo ang serbisyo
anong gagawin ng bayan pag ganito
pera-pera lang ang serbisyo sa tao

akala ng trapo'y mabibili lahat
tingin sa sarili'y sila'y mga sikat
babayaran pati ang iyong dignidad
habang kabang bayan ay kinukulimbat

iboboto pa ba natin silang muli
o iba na ang dapat nating mapili
dapat yatang iboto'y ating kauri
at hindi yaong may dugong makapili

pera-pera lang itong trapong gahaman
dapat natin silang pigilang tuluyan
bago tuluyang malugmok sa putikan
ang kinabukasan natin at ng bayan