Linggo, Disyembre 14, 2008

Sa Reunion ng mga Tibak

SA REUNION NG MGA TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

Sa reyunyon ay muling nagkasama-sama
Mga aktibista ng dekada otsenta
Ilan ay nasa mataas na posisyon na
Sa pamahalaan nitong si Aling Gloria
Habang nasa oposisyon naman ang iba.

Programa'y nagsimula ng may pang-unawa
Para sa mga aktibistang namayapa
Nagbigay ng parangal sila sa simula
Gunita ng nakaraang may luha't tuwa
Na tumagos naman sa aking puso't diwa.

Pagkatapos noo'y naglitratuhan sila
Bumigkas ng tula'y kongresista't makata
Nagkainan, inuman at nagkantahan pa
"Ganito tayo noon" ang pamagat nila
"Paano ngayon" ang nais kong idugtong pa.

Tibak na naroo'y di lang mula otsenta
Naroroon din mula dekada sitenta
Na mahuhulaan sa puting buhok nila
Ako'y tibak nito lang dekada nobenta
Ngunit masaya ako't ako'y nakasama.

Tila ako'y nalango sa pitong serbesa
Habang nakikinig sa tulang binabasa
Ngunit pakiramdam ko ako'y lumakas pa.
Nang kami na'y lumisan ng mga kasama
Ang baon ko'y kayraming mga alaala.

Sa reyunyong iyon ay akin nang nakita
Paninindigan ko'y lalong napatibay pa
Matigas kong prinsipyo'y lalong tumigas pa
Kaya kung hanggang ngayon ako'y aktibista
Pagkat may mga aral mula sa nauna.

(Nilikha sa reyunyon ng mga aktibista na pinamagatang "Ganito Tayo Noon... 1980-1986, Kapanapanabik na reunion ng mga kalahok sa mass movement" sa Antipolo City, Disyembre 13, 2008, 10am-3pm. Ang makata'y dekada 90 naging tibak.)