Biyernes, Oktubre 17, 2008

Ang Pangkalikasang Edukasyon

ANG PANGKALIKASANG EDUKASYON
(Nilikha at binasa sa Kamayan Environment Forum, Oktubre 17, 2008, Biyernes, na ginanap sa Kamayan Edsa, malapit sa SEC, na ang paksa'y Edukasyon at Kalikasan, at dinaluhan ng 40 katao.)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Kailangan ng edukasyon ng buong bayan
Ng mga isyu at usaping pangkalikasan
Sa gayo'y mamulat ang maraming mamamayan
Na ang kalikasan pala'y dapat alagaan.

Tayong mga dumadalo dito sa Kamayan
Iba't ibang kuru-kuro'y nagbabahaginan
Sa mga isyu'y marami tayong natutunan
Sa mga nagtalakay na makakalikasan.

Kaya nga't sa pag-uwi natin sa ating bahay
Ibahagi ito sa mga mahal sa buhay
Sa mga kumpare, kaibigan, kapitbahay
Ito sa kalikasan ay maganda nang alay.

Kaya't pakahusayan natin ang edukasyon
Hinggil sa kalikasan at gawin itong misyon
Upang maraming masa'y matuto sa paglaon
At malaki nang ambag ito para sa nasyon.

Malamlam Pa ang Bukas

MALAMLAM PA ANG BUKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Kinabukasa'y lumalamlam
Ito'y aking nagunam-gunam
Tao ba'y walang pakiramdam
Kaya ayaw pang makialam?
Meron namang nakikiramdam
Ngunit hanggang pakiramdam lang
Kaya bukas pa'y lumalamlam.

Pagbangga sa Pader

PAGBANGGA SA PADER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Dapat banggain yaong pader
Ng mga nag-aastang Hitler
Na mamamaya'y inaander
Nitong palalong mga lider.
Dapat tanggalin na sa poder
Silang tumulad kay Lucifer
Kahit sila pa'y mga pader.

Tigilan na ang Basag-ulo

TIGILAN NA ANG BASAG-ULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Nagbasagan muli ng ulo
Yaong mga tambay sa kanto
Bangag muli ang mga ito
Kaya ang utak ay tuliro.
Sila'y agad na tinanong ko
Kung sila ba'y magkatrabaho
Titigil ba ang basag-ulo?

Kabilugan at Kalibugan ng Buwan

KABILUGAN AT KALIBUGAN NG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Tuwing kabilugan ng buwan
Napapatitig sa kawalan
Nasa gunita ko'y suyuan
Namin ng aking kasintahan.
Ngunit karibal ko't kalaban
Yaong kanyang pinakasalan
Noong buwan ng kalibugan.

Pagtatawas

PAGTATAWAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Ako'y naglalagay ng tawas
Sa kilikili kong marahas
Ito'ng payo ng mga pantas
Upang anghit ay magsitakas.
Kung ang anghit pala'y marahas
Kilikili ko nga'y madulas
Kaya dapat lagyan ng tawas.