Lunes, Hunyo 3, 2024

Hapunan

HAPUNAN

matapos ang aming maghapong gawa
ay kailangang maghapunan na nga
upang lamnan ang tiyan, puso't diwa

may nilagang itlog, tilapyang prito
may talbos ng kamote pa't pipino
tanging maybahay ang aking kasalo

animo'y may paruparo sa tiyan
tila nadama ko'y katiwasayan
gayong nasa makauring digmaan

maya-maya lang ako'y napadighay
ang loob ko'y tila di mapalagay
buti't si misis ay nakaalalay

tinagay ko'y dalawang basong tubig
ramdam ang ginaw sa gabing kaylamig
kaya hinalukipkip yaring bisig

pagkatapos kong hugasan ang pinggan
ay nagtungo na kami sa higaan
ngunit diwa ko'y naglakbay na naman

- gregoriovbituinjr.
06.03.2024

Kasaysayan (tula sa baybayin)

KASAYSAYAN (tula sa baybayin)

kasaysayan ng bansa
ay ating pag-aralan
nang di tayo mawala
sa tatahaking daan

tula ni gorio bituin
06.03.2024

Paalam, Carlo

PAALAM, CARLO

nabalitaan ko roon sa socmed
na namatay si Carlo J. Caparas
habang si Carlo Paalam ang hatid
ay dangal sa boksing sa labang patas

dalawang Carlo silang hinangaan
na nagkasabay minsan sa balita
ang isa sa kanila'y namaalam
at ang isa'y sa laban naghahanda

di ko sadyang mapitik sa kamera
ang dalawang Carlo sa isang ulat
nagawa ko'y maghandog sa kanila
ng tulang sa puso'y isiniwalat

paalam, Direk Carlo J. Caparas
mga nagawa mo'y di mapaparam
at sa boksingerong palos sa dulas
mabuhay ka, boxer Carlo Paalam

- gregoriovbituinjr.
06.03.2024

* ulat noong huling linggo ng Mayo 2024

Paglahok sa rali

PAGLAHOK SA RALI

kami'y lumalahok / madalas sa rali 
sapagkat tungkuling / di maitatanggi
tibak na di dapat / bulag, pipi't bingi
na isyu'y di dapat / isinasantabi

halimbawa, isyu'y / kontraktwalisasyon
isyung demolisyon, / pati relokasyon
nagbabagong klima, / init ng panahon
isyung Palestino, / at globalisasyon

ang utang panlabas, / pabahay ng dukha
itaas ang sahod / nitong manggagawa
gera, ChaCha, isyung / magsasaka't lupa
mga karapatan / ng babae't bata

bente ang sangkatlo / ng kilo ng bigas
pagpaslang sa adik / ay gawang marahas
paano itayo / ang lipunang patas
kung saan ang lahat / ay pumaparehas

ah, kayraming isyu / upang ta'y lumahok
at magrali laban / sa sistemang bulok
punahi't ibagsak / iyang trapong bugok
na sa pwesto nila'y / di natin niluklok

- gregoriovbituinjr.
06.03.2024