Miyerkules, Abril 14, 2010

Apdo ng Kobra sa Gin Bulag

APDO NG KOBRA SA GIN BULAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsan ko nang natikman ang gin bulag
na merong babad na apdo ng kobra
nalango kami, akala mo'y bangag
bagsak sa inuman ng kapwa masa

nahuling kobra'y napagkaisahan
na gawing pulutan ng mga lasing
kobrang nahuli'y agad binalatan
at ang apdo nito'y binabad sa gin

tila ba nagising ang aking diwa
kahit tulog, naging papungas-pungas
lumakas ang katawang nanghihina
at tumigas ang di dapat tumigas

Bawat Kampanyahan ay Panahon ng Maralita

BAWAT KAMPANYAHAN AY PANAHON NG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bawat kampanyahan ay panahon ng maralita
kaya bawat kandidato'y nangangako sa dukha
paglilingkuran daw ang bayan, kahit hampaslupa
basta't iboto lamang ang mga trapong kuhila

panahon na ng maralita ang bawat kampanya
sa panahong ito'y pinahahalagahan sila
basta't iboto ang mga trapong mapagsamantala
gayong matapos ang eleksyon, limot na ang masa

bawat kampanyahan ay panahon ng maralita
mga pulitikong balasubas, kuntodo sumpa
sila raw ang aahon sa kahirapan ng dukha
basta't iboto lamang ang mga trapong kuhila

panahon na ng maralita ang bawat kampanya
sila'y mga iskwater, aba'y dinadalaw sila
basta't maboto lamang ang mga trapong basura
gayong matapos ang eleksyon, ang dukha'y limot na

itong mga trapong kandidato pag nanalo na
ang tingin mo ba'y matatandaan ka kaya nila
subukan kayang puntahan sila sa opisina
makilala ka pa kaya o ipagtabuyan na

bawat kampanyahan ay panahon ng maralita
ngunit pagkatapos nito ikaw na'y balewala
boto mo kasi'y nakuha na ng mga kuhila
ngayon ikaw ay dukhang kanilang isinusumpa