Huwebes, Oktubre 2, 2025

Nag-birthday sa rali sa Mendiola

NAG-BIRTHDAY SA RALI SA MENDIOLA

National Day of Action Against Oil and Gas ngayon
kaya sa rali sa Mendiola ako'y lumahok 
kaya sinelebra ko ang kaarawan doon
at isinigaw, Ikulong ang mga kurakot!

habang tangan ang central streamer, mga placard
nagtalumpati ang mga kasamang palaban
mula sa kambal na simbahan, kami'y naglakad
may pari pa at madreng lumahok sa lansangan

maraming salamat sa lahat ng nagsilahok
at tinuligsa ang mga trapong nasa tuktok
pati mga senador at kongresman na hayok
pati na ang sistemang bulok at inuuk-ok

"Baha ng Coal at Gas, Wakasan", sigaw ng tao
"Kuryente ay Serbisyo, Huwag Gawing Negosyo!
"Dapat nang wakasan ang mga pang-aabuso
ng mga oligarkiya't korap sa gobyerno!"

makabuluhang pagdiriwang ng kaarawan
ng aktibo't malakas pang tibak na Spartan
ikulong lahat ng kurakot sa ating bayan
itayo ang asam na makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

10.02.2025

* salamat sa mga kumuha ng litrato

Salamat sa mga kasama sa AMKP

SALAMAT SA MGA KASAMA SA AMKP

ako'y taospusong nagpapasalamat
sa Alyansa ng Maralita para sa
Katiyakan sa Paninirahan, pagkat
lider-maralita na'y nagkakaisa

binuo ng K.P.M.L. at Kampilan
dahil sa banta ng kagagawang batas
bantang dalita'y tanggalan ng tahanan
pag sa pabahay ay di nakabayad

kaytinding banta sa nasa relokasyon
na pawang may karapatan sa pabahay
nililigalig ng bantang demolisyon,
anang batas, sa loob ng sampung araw

ang mga maralita'y sadyang tagilid
dito sa Republic Act one-two-two-one-six
ang ibasura ito'y dapat mabatid
ng dukhang sa relokasyon nakasiksik

- gregoriovbituinjr.
10.02.2025

Birthday wish ko na rin ang birthday wish ni Kara David

BIRTHDAY WISH KO NA RIN ANG BIRTHDAY WISH NI KARA DAVID

bihira akong mag-birthday wish, 
sa totoo lang ngunit ngayon
ay aking tutularan ang wish
ni Kara David, tunay iyon

"sana mamatay na ang lahat
ng kurakot sa Pilipinas"
sana ang wish na ito'y sapat
nang matayo'y lipunang patas

sana'y lipunang makatao
ay maitayo nang talaga
walang kurakot na totoo
walang burgesya't dinastiya

kaya ang wish ni Kara David
asam ko lang sana'y matupad
sa kaarawan ko'y di lingid
pangarap na ito'y ilahad

- gregoriovbituinjr.
10.02.2025

* unang pic kuha sa Luneta rally, 09.21.2025
* litrato ni Kara David mula sa google

Sa pagitan ng kaarawan at dalamhati

SA PAGITAN NG KAARAWAN AT DALAMHATI

lumuluhà pa rin / ang pusò kong sawi
kahit nagdiriwang / nitong kaarawan
pagkat nawalâ na / ang pagsintang mithi
na tanong ko'y bakit / anong aga naman

idinaraan ko / na lang sa pagkathâ 
ng kwento, pabulâ, / pagtula't sanaysay
ang danas kong lumbay / na di na kailâ
mga tulâ na lang / ang sa mundo'y tulay

sa pagdalamhati't / luha mababakas
ang nararamdaman / ng loob kong ito
wika ng dakilang / makatang Balagtas 
ay nasa pusò pa't / naaalala ko:

"O, pagsintang labis / ng kapangyarihan
Sampung mag-aama'y / iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok / sa pusò ninuman
Hahamakin lahat, / masunod ka lamang."

ay, kaya ko pa ba? / sa sarili'y tanong
idinaraan ko / na lang sa pagrali
ang hirap ng loob, / taludtod at saknong 
para sa sinta kong / ngalan ay Liberty

- gregoriovbituinjr
10.02.2025