Biyernes, Mayo 9, 2014

Hinggil sa paksa ng tula

HINGGIL SA PAKSA NG TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

itinutula kahit ano, tanaw man o hindi
ang magagandang dalagang may mapupulang labi
kalangitan, sangkalupaan, lahing kayumanggi
pakikibaka ng masa't tunggalian ng uri
kahinahunan, pangamba, nilalaman ng budhi

itinutula kahit anong mga bagay-bagay
sampagita, ilang-ilang, bulaklak ng katuray
minatamis na bao, suman, bibingka, kalamay
katawang hingalin, seksi, bisig na nakadantay
panaginip, bangungot, kahit malamig mang bangkay

itnutula kahit ano, sa parang man ng digma
pagkat pagtula'y sining, dukha ka man o dakila
niloloob ng puso'y tinutula kahit luha
karaniwan, espesyal, o ideyang manggagawa
kahit anong paksa'y ating maaaring itula