Lunes, Marso 14, 2022

Sa ikatlong Mathematics Day

SA IKATLONG MATHEMATICS DAY

three point one four one five nine two seven pa'y kabisado
subalit ito'y three point one four lang pag ni-round off mo
three point one four, parang ikalabing-apat ng Marso
na pinagbatayan ng Mathematics Day na ito

Maligayang Mathematics Day po sa inyong lahat
halina't magbilang, isa, dalawa, tatlo, apat
lima, sampu, isang angaw, bilang na di masukat
mabuti't may ganitong araw, nakapagmumulat

"Mathematics is Everywhere", tema sa unang taon
"Mathematics for a Better World", ikalawang taon
"Mathematics Unite" naman ang tema ngayong taon
mapanuri, matatalas, tila tayo'y aahon

bahagi ang numero sa ekonomya ng bansa
upang daigdig ay mapaunlad ng manggagawa
sukat na sukat ang tulay at gusaling nalikha
pati ba pagsasamantala'y nasukat ding sadya

pagbibilang ay bahagi na ng buhay na iwi
matematika'y nabubuhay upang manatili
ang daigdig, o marahil kakamtin din ang mithi
kung paano masukat ang guwang, kilo't sandali

Mabuhay ang Mathematics Day, Araw ng Sipnayan!
upang matuto sa pag-inhinyero't kasaysayan
di lamang numero, paglaban din sa kamangmangan
upang tayo'y makaahon mula sa kahirapan

- gregoriovbituinjr.
03.14.2022

* ang nasa litrato'y ilan lang sa aklat ng makata sa kanyang munting aklatan

3.14 (March 14) 
HAPPY MATHEMATICS DAY!
Maligayang Araw ng Sipnayan sa inyong lahat!

Dagdag sahod

DAGDAG SAHOD

makabuluhang dagdag sahod
ng manggagawa, ipaglaban
makatarungan kung masunod
ang wasto nilang kahilingan

mga manggagawa na'y gipit
sa kakarampot nilang sweldo
kaya kanilang ginigiit
na mapataas naman ito

minimum wage ng manggagawa
suriin mo't kaybabang tunay
lalo sa probinsya sa bansa
kaya dapat sweldo'y magpantay

pambansang minimum na sahod
na sevenhundred fifty pesos
kahilingang tinataguyod
upang pamilya'y makaraos

one thousand six hundred pesos daw
ayon sa NEDA ang living wage
kalahati lang pag pinataw
ay sapat na pang-minimum wage

kapitalista'y tubong limpak
kaya bulsa'y di masasaktan
obrero'y di gapang sa lusak
kung kahilingan ay pagbigyan

manggagawa, magkapitbisig
upang simpleng hiling n'yo'y kamtin
iparinig ang inyong tinig
pamahalaan nawa'y dinggin

- gregoriovbituinjr.
03.14.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos niyang nilahukan

Ang makata

ANG MAKATA

tinuring mang makatang isang kabig, isang tula
ako'y makata ng lumbay na madla'y di matuwa
dahil sa katotohanang nilalantad kong kusa
yaong nangyayari sa lipunan, kayraming paksa

hinggil sa tunggalian ng kapital at paggawa
hinggil sa labanan ng mga api't mararangya
hinggil sa debate ng mga tutula't tulala
sa pagitan ng mga tutol sa trapo't kuhila

hinggil sa mga kapitalista at manggagawa
hinggil sa pingkian ng kanilang espada't dila
hinggil sa tunggalian ng magkakaibang diwa
o sa labanan ng prinsipyadong obrero't wala

tusong burgesya laban sa mga kaawa-awa
maluluhong elitista laban sa maralita
pagsasamantala sa mga dukhang dapang-dapa
hangga't may hininga pa, ako'y tutula't tutula

tinuring mang makatang isang kabig, isang tula
o kaya'y manunulang isang kahig, isang tuka
di ko na hangad na sa tula ko, madla'y matuwa
mahalaga'y nagsisilbi sa manggagawa't dukha

- gregoriovbituinjr.
03.14.2022

Bakas sa nadaanan

BAKAS SA NADAANAN

doon sa aking nadaanan
ay may bakas ng nakaraan
kayrami bang pinagdaanan
sa mga panahong nagdaan

nais kong humakbang palayo
subalit saan patutungo
ang tulad kong nasisiphayo
ngunit di naman sumusuko

tititig na ba sa kisame
ang tulad kong dumidiskarte
sa pagtula o mga arte
na isang gawaing masiste

lipunang makatao kaya'y
maitayo ng manggagawa
ang taumbayan ba o madla'y
laban sa sistemang kuhila

ah, kayrami kong naiisip
mga katagang di malirip
solusyon kaya'y mahahagip
upang hininga'y di magsikip

buhay ng dukha'y nakalugmok
ang makata'y nakayukayok
kung palitan sistemang bulok
ito kaya ay matatarok

- gregoriovbituinjr.
03.14.2022

Tawilis at kamatis

TAWILIS AT KAMATIS

kaysarap na almusal
kahit walang pandesal
ang ulam ko'y tawilis
at gulay na kamatis

nakapagpapalusog
ang kamatis na hinog
sarap sa pakiramdam
ng tawilis kong ulam

paminsan lang ganito
may tawilis na prito
mula lawa ng Taal
ang isdang inalmusal

kaygandang kombinasyon
ng inulam kong iyon
sana'y mayroon pa rin
bukas kapag nagising

- gregoriovbituinjr.
03.14.2022