Huwebes, Pebrero 13, 2014

Gaano katamis ang luha?

GAANO KATAMIS ANG LUHA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may mga kabiguang sadyang sakdal-tamis
bigo man sa pag-ibig at ramdam ay hapis
dalawang puso ma'y parang tubig at langis
mahalaga'y umibig kahit na magtiis

gunita ng ngiti't aliwalas na mukha
ng dilag na inalayan ng puso't diwa
pag-irog niya'y di tanggap ng minumutya
lumuha siya ngunit kaytamis na luha

luha iyong naibulalas ang pag-ibig
sa dalagang minahal, nais makaniig
pangarap niyang sinta'y kulungin sa bisig
ngunit init niya'y sinuklian ng lamig

nabigo man, ang luha'y walang kasingtamis
lalo't minumutya'y inibig niyang labis

Sa Pebrero ng kasawian

SA PEBRERO NG KASAWIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

noon, kitang dalawa'y lagi nang magkayakap
habang binubuo ang magagandang pangarap
nasa bisig kita, tangay ka sa alapaap
at sa puso ko'y lagi kitang nahahagilap

nang ako'y iyong iwan, puso ko na'y nasawi
hanggang ngayon, kirot niyon pa'y nananatili
di kita malimot pagkat pagsinta'y masidhi
yaon ang Pebrero ng kasawiang kayhapdi

pag-ibig ay isa lang salita, sa wari mo
hanggang bigyang-kahulugan ko ito sa iyo
kahulugan nito'y ikaw, tagos sa puso ko
ikaw ang sinta kong bumuo sa pagkaako

nawa'y dama mo pa gaano kita kamahal
ikaw pa rin ang lakambining nasa pedestal
ng ating pangarap na sa puso'y laging usal
bakit ba ako sa iyo'y nagpapakahangal