Huwebes, Marso 24, 2016

Ang nasa isip lagi'y paano tumubo

ANG NASA ISIP LAGI'Y PAANO TUMUBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang nasa isip lagi'y paano tumubo
ang puhunan at inaalagaang luho
dugo man ng obrero'y tuluyang mabubo
sa pagkamal ng tubo'y hindi humihinto

lupang sakahan ay ginawang subdibisyon
tuluyang niyakap yaong globalisasyon
pilit na nilunok kahit pribatisasyon
mang-aapi manalo lang sa kumpetisyon

manggagawa'y di aambunan kahit mumo
pagawaan daw ay pag-aaring pribado
kaya di raw dapat umangal ang obrero
ganyan makapanlamang sa kapwa ang tuso

kung manggagawa'y pinagagapang sa lusak
tingin ng trapo’t burgesyang sila'y mautak
ah, tama lang na lipunang ito'y ibagsak
kaysa pamunuan ng mga linta't tunggak