Huwebes, Setyembre 20, 2012

Menggalaba


MENGGALABA

ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod


Menggalaba ang bati sa mga kasama
Katumbas sa Burma ng "Magandang umaga"
Pagbati rin, tanghali, hapon o gabi pa
Magandang loob na bati mula sa Burma
Nang may ngiting binibigkas sa bawat isa
Nagdudulot ng isang araw na kayganda
Ngayong nasa harapan ko kayo, kasama
Simpleng pagbati ko sa inyo’y “Menggalaba!”

- Setyembre 20, 2012, sa tanggapan ng Yaung Chi Oo

Ang Aking Tulugan


ANG AKING TULUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nasa ikatlong palapag ang aking tulugan
malawak ang silid, tambakan ng kagamitan
nasa dulo ang tulugan, kumot ang pagitan
gabi'y kaylamig, maaanggihan pag umulan
tala'y tanaw, hanging sariwa'y mararamdaman

gayunman pagtulog ko rito’y sadyang kaysarap
solo sa buong palapag, di naman mahirap
kaygandang tanawin yaong mapuputing ulap
para ba akong hinehele sa alapaap
ng mga gunitang sa puso't diwa'y kalingap

sayang, sanlinggo lang ako sa tulugang ito
sa opisina ng mga migranteng obrero
makunan lang ako rito ng isang litrato
sa tulugang ito'y kasaysayan nang totoo
kahit sanlinggo lang, naging tahanan ko ito

- sa tanggapan ng Yaung Chi Oo Workers Association sa Mae Sot, Setyembre 19, 2012

Salu-salo sa Bahay Kubo


SALU-SALO SA BAHAY KUBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

matapos ang maghapong pakikisalamuha
dapat lang magpahinga yaong katawang pata
ngunit hindi pahingang magpahila-hilata
kundi ang mag-inuman matapos ang paggawa
habang nag-iinuman, makata’y kumakatha

mga magkakasama’y agad nagkayayaan
at doon nga sa isang munting kubong inuman
ay aming pinahinga ang pagod na katawan
umorder ng serbesa’t masarap na pulutan
sari-saring kwento’t kuro-kuro’y nagpalitan

nagpaliwanagan sa kanya-kanyang ideya
patungkol sa aming pakikibaka’t taktika
sa paglaya ng bayan ba’y may istratehiya
kung paano lulumpuhin yaong diktadura
kung paano maipagwagi ang demokrasya

may pagkakahawig ba ang Burma’t Pilipinas
dalawang bansa ba’y magkatulad ng dinanas
sa bawat gatla ng noo’y aming mababakas
na pawang pagbabago ang aming nilalandas
kailangang wakasan ang sistemang marahas

kaysarap ng aming tagayan sa kubong iyon
sa kalasingan, kayraming mga deklarasyon
magkaisa ang manggagawa’t magrebolusyon
mamamayan ng Burma’y magsikilos na ngayon
tumulong ang Pinoy sa Burma’t kamtin ang layon

- sa isang bahay kubong inuman sa Mae Sot, 
Setyembre 19, 2012

Muling Pagtatasa


MULING PAGTATASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kailangang magtasa, mga Pinoy ay mag-usap
anong tingin o kaya’y puna sa mga naganap
anong naaamoy o nalalasahang masarap
anong nakikita o naramdamang mga hirap
anong aral yaong magagamit sa hinaharap

sumalampak na kami sa sahig upang magtasa
pata ang katawang nais na naming magpahinga
nakakapagod maglibot ng mga opisina
nagsasalimbayan sa utak ang sinabi nila
na dapat itala sa kwaderno't laptop na dala

bawat pagtatasa'y pagbabahaginan ng aral
bawat pagbabahagi'y may aral na kumikintal
anumang nakintal sa isip yaong inuusal
inuusal ang pinagdaanang nakapapagal
at sa dulo'y binubuod lahat - ang sumatotal

- sa tanggapan ng BWU (Burmese Women's Union), Mae Sot, Setyembre 19, 2012

Lumaban, Huwag Matakot!


LUMABAN, HUWAG MATAKOT!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang pakikibaka ay isang pagpapasya
di ba makikialam o makikisangkot?
nais mo'y magpaalipin o lumaya ka?
kung nasa'y laya, lumaban, huwag matakot!

kayraming mamamayang sakbibi ng lumbay
dahil mahal nila'y nangawalang tuluyan
kayraming nasaktan, napiit, nangamatay
dahil lumaban, nangarap ng kalayaan

ang Pilipinas noo'y dinaklot ng pangil
ng diktaduryang sa pagkatao'y yumurak
ang Burma ngayo'y patuloy na sinisiil
ng diktaduryang ang bayan mismo'y sinindak

pakiramdaman mo ang bayang inaapi
masdan mo ang nangangatal nilang katawan
sa masang naghihirap, piliting magsilbi
huwag matakot, magsikilos at lumaban

- sa tanggapan ng FDB (Forum for Democracy in Burma) sa Mae Sot, Setyembre 19, 2012

Ang Samahan at Museyo ng mga Bilanggong Pulitikal


ANG SAMAHAN AT MUSEYO NG MGA BILANGGONG PULITIKAL
n Gregorio V. BituinJr.
15 pantig bawat taludtod

mga dating bilanggong pulitikal ang nagtayo
ng samahan at ng museyo ng mga gunita
sa loob ng museyo, balahibo mo'y tatayo
pagkat nangaroo'y alaala ng dusa't luha

ikadalawampu't tatlo ng Marso itinatag
yaon labingdalawang taon nang nakararaan
upang tulungan yaong ang karapata'y nilabag
hinuli, kinulong, pinahirapan sa piitan

sinong nabilanggo, anong kalagayan sa loob
alam ba ng pamilya nilang sila'y nakapiit
mga tibak ba silang sa gobyerno'y nagsilusob
at sa bilangguan ay patuloy na ginigipit

may replika ng kulungan sa loob ng museyo
naroon ang litrato't ngalan ng mga kinulong
pati ng mga lumayang nakibakang totoo
na tila sumumpang tuloy ang laban, di uurong

masdan ang museyo, isiping nabilanggo ka rin
bukas mo'y nawala, tulala ka't di makausap
pagkat ang bawat bakal na rehas pag iyong damhin
ay saksi sa mga panaghoy nila’t paghihirap

mga saksing ang hiyaw: karapata'y ipaglaban!
bayang tuluyang inanod ng dusa'y palayain!
yaong sapilitang piniit at pinahirapan
may bagong bukas pa kaya silang kakaharapin?

- sa tanggapan ng AAPP (Assistance Association for Political Prisoners), Setyembre 19,  2012

Bilanggong Pulitikal sa Burma'y Palayain

BILANGGONG PULITIKAL SA BURMA'Y PALAYAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bilanggong pulitikal ba'y anong kahulugan
tila sa mundo ito pa'y pinagtatalunan
ngunit para sa nabiktima ng karahasan
ito'y maliwanag, may kahuluga't batayan

pagkat anuman ang ikinaso sa kanila
ang motibo ng pagkapiit ang ebidensya
kung yaong ikinulong ay isang aktibista
bilanggong pulitikal ang tawag sa kanila

ipiniit ng walang sala noong rehimen
karapatan ng bilanggo'y sinong nakapansin
hustisya sa ipiniit ay dapat lang dinggin
bilanggong pulitikal sa Burma'y palayain

- Setyembre 18, 2012, sinulat habang binibisita ang tanggapan at museyo ng AAPP (Assistance Association for Political Prisoners) - Burma

Bawat Bata'y Hubugin para sa Bagong Bukas


BAWAT BATA’Y HUBUGIN PARA SA BAGONG BUKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

kung kabataan nga ang pag-asa ng bayan
ayon kay Jose Rizal
aba'y hubugin sila sa kinabukasan
ng may magandang asal
upang taglayin nila ang paninindigang
kaakibat ay dangal

hubugin ang bata para sa bagong bukas
na kanilang pangarap
sa gayon tahakin nila ang tamang landas
para sa hinaharap
sa bawat layon at pasya'y maging parehas
maging mapagpalingap

si Aung San Suu Kyi at iba pang taga-Burma
tiyak na nanaising
sa bansa nila ang mga bata'y pag-asa
malakas at magiting
upang tuluyang ibagsak ang diktadura
hanggang paglaya'y kamtin

- sa New Society Learning Center (NSLC), kung saan maraming mga batang mag-aaral, pawang nasa kinder, Setyembre 19, 2012, Mae Sot

Kabataan ang Pag-asa ng Bayan


KABATAAN ANG PAG-ASA NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga kabataan ang pag-asa ng bayan
ayon kay Rizal na martir ng sambayanan
silang anumang lahi ang pinanggalingan
mula man sa Pilipinas o sa Burma man

pagkat kabataan ay marunong tumindig
sa mga prinsipyong sa puso'y nakasalig
mga kabataang marunong ding umibig
sa kanilang kapwa, kaaway man o kabig

halina't turuan ang mga kabataan
ng pagsusuri sa kongkretong kalagayan
turuan silang pag-aralan ang lipunan
kung bakit mayorya'y naghihirap sa bayan

kabataan, pag-asa ka ng iyong bansa
pakinggan ang tinig ng inyong mga dukha
pakinggan ang bawat panaghoy ng paglaya
pati lagutok ng bisig ng manggagawa

manindigan kayo't mag-aral ng mabuti
labanan at gapiin yaong mapang-api
pagsikapang sa bayan ay mayroong silbi
pag-asa kayo't bansa nyo'y di magsisisi

- sa CDC (Children’s Development Center), Mae Sot, Tak, Thailand
Setyembre 19, 2012

Sa Klinikang "Mae Tao"

SA KLINIKANG "MAE TAO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dumatal kami sa kilalang "Mae Tao Clinic"
itinatag upang tumulong at tumistis
sa mga biktima noong digma't ligalig
at malunasan ang mga sugat at sakit

payak na klinika sa mga nagsilikas
dahil sa kanila'y mahalaga ang buhay
kayrami nilang pasyente sa bawat araw
mga walang pambayad ang tinutulungan

nasa hangganan ng Burma't Thai ang klinika
tagapangalaga ng umalis sa Burma
dahil kaylupit ng gobyernong diktadura
na pinupuksa'y ang bayan, lalo ang masa

kayganda ng layunin ng klinikang ito
gamutin ang biktima ng digma't gobyerno
sa mundong ito'y may pag-asa ngang totoo
sugatang puso't diwa'y lulunasan dito

- sa pagbisita sa kilalang "Mae Tao Clinic", Setyembre 19, 2012, umaga