Biyernes, Abril 4, 2008

Soneto sa Prinsipyo

SONETO SA PRINSIPYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Itong prinsipyo daw ay di nakakain
Ang sabi ng isang kaibigang turing
May mapapala ba ang bayan sa akin
Kung may mga krisis na agad dumating.

Dapat daw unahin ang aking sarili
Kaya aktibismo'y akin daw iwanan
May mapapala ba ang masa sa rali?
Makabubusog ba prinsipyo kong tangan?

Paano daw naman ang aking pamilya
Kung walang makain, magutom, lumuha?
May mapapala ba kung manindigan pa?
Mga tanong itong gumulo sa diwa.

Tanging ito lamang ang naging tugon ko:
Mahirap kumain kung walang prinsipyo.

Sampaloc, Maynila
Abril 4, 2008