Huwebes, Mayo 9, 2024

Sateboleyt

SATEBOLEYT

isang tagay sa may kaarawan
sa Table 8 ay namumulutan
isang platitong mani man iyan
ay tanda ng may pinagsamahan

tara, tagay tayo, katoto ko
sa pagdiriwang niyang birthday mo
habang nasa Table 8 pa tayo
ay tumagay na't mag-otso-itso

habang pinag-uusapan natin
paano kuhila'y tatalunin
elitista't burgesya'y gapiin
uring manggagawa'y pagwagiin

para sa karapatan ng masa
para sa panlipunang hustisya
bati ko'y hapi bertdey talaga
sa tulad mong tapat na kasangga

- gregoriovbituinjr.
05.09.2024

Larong dikdikan ng utak

LARONG DIKDIKAN NG UTAK

dikdikan ng utak ang larong chess
dapat utak sa laro'y mabilis
mga tira'y suwabe, makinis,
matulis, kalaba'y tinitiris

chess super grandmaster na totoo
kaya ako sa kanya'y saludo
galingan mo, kabayang Wesley So
sa Romania'y maglalarong todo

kaytaas ng iyong ELO rating
at pangsiyam ka pa sa world ranking
ipakita mo ang iyong galing
at kampyonato'y iyong angkinin

sa chess, dapat kang maging matibay
lalo't kalaban ay kayhuhusay
kami'y taasnoong nagpupugay
sa iyo, mabuhay ka, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
05.09.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-2 ng Mayo, 2024, pahina 11

Magkaisa laban sa ChaCha ng elitista't dayuhan

MAGKAISA LABAN SA CHACHA NG ELITISTA'T DAYUHAN

nagrali muli sa harapan ng Senado
upang ang Charter Change ay tutulang totoo
banta iyang ChaCha ng elitista't dayo
sa kasarinlan, sa bayan at sa obrero

mga trapong elit ang nakaupo ngayon
sa iba't iba't matataas na posisyon
nais nilang distrungkahin ang Konstitusyon
para sa elitista't dayong korporasyon

nais nilang dayo'y mag-ari ng lupain,
masmidya, pampublikong serbisyo'y ariin
pati termino'y nais nilang palawigin
kaya ang bantayan sila'y ating tungkulin

tutulan, labanan, huwag pahintulutan
sandaang porsyento'y ariin ng dayuhan
magkaisa na laban sa mga gahaman
na iniisip ay sariling pakinabang

nagrarali kami upang isyu'y marinig
ng sambayanang tinatanggalan ng tinig
at magkaisa laban sa mapanligalig
na elitista't trapong dapat lang mausig

- gregoriovbituinjr.
05.09.2024

* salamat sa mga kasamang kumuha ng litrato
* kuha sa harap ng Senado