Sabado, Abril 12, 2008

Kapag Krisis ang Sumapit

KAPAG KRISIS ANG SUMAPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bayang Pilipinas ay sadyang marikit
Walang kagutuman ang mga paslit
Hindi naghihirap kahit maliliit
Hanggang sa manggulo ang mga nainggit.

Itong taumbayan ngayo’y nasa bingit
Ng matinding hirap na sadyang kaylupit
Bayan ay nagtila impyernong mainit
Pagkat namumuno ay talagang bwisit.

Sa kaban ng bayan sila’y nangungupit
Sa buwis ng bayan sila'y nang-uumit
Ang pera ng bayan ay ipinupuslit
Baka pati bangko’y laging sinusungkit.

Presyo ng bilihin ay biglang sumirit
Bigas, langis, buwis, krisis ay sumapit
Apektado lahat ng pamilya’t paslit
Paano ang bukas nating maliliit?

Itong kalingkingan kapagka sumakit
Ramdam na ng lahat itong panggigipit!
Ating sinturon ba’y dapat pang humigpit
Kahit hindi bagay sa suot na damit?

Sa nararanasa’y marami’y pumikit
Sa munting salapi’y agad naaakit
Kahit alam nilang sila’y ginagamit
Nitong pulitikong walang mga bait.

Kahit sa patalim doon ay kakapit
Upang maibsan lang ang pamimilipit.
Marami pang krisis itong sumasapit
Na sa sambayanan ay kumakalawit.

Tulad ng maraming nangawalang pilit
Dahil nagtatanggol sa mga maliit
Di na rin nadinig ang kanilang impit
Pagkawala nila’y sadya ngang masakit.

Karapatan natin ang tayo’y magalit
Di man sinasadya ngipi’y nagngangalit
Sa mga nakita tayo ba’y pipikit?
O singilin itong pangulong bulinggit?

Tila malalim na ang pagkakapagkit
Doon sa upuan nitong kanyang puwit
Di na makababa sa pagkakadikit
Para siyang tuko sa pagkakakapit.

Sa lipunang ito tanong ko ay bakit
Pati ang totoo’y tinatagong pilit
Nangyayaring ito’y walang kasimpait
At di kapalarang sadyang iginuhit.

Samo ko’y durugin ang mga malupit!
Nais mo ba’y baril ang iyong magamit?
At hahawakan ko’y maso o ang karit?
O plakard sa rali araw ma’y uminit?

Nahan ang hustisya, mahabaging langit?
Katarunga’y hanap, laging nasasambit
Ang may kagagawa’y isakdal, ipiit!
Huwag palabasin, magbayad mang pilit.

Sa prinsipyong tama tayo’y mangunyapit!
Ang sistemang wasto’y atin nang iukit!
Kung kamatayan man ang dito’y susulit
Itong balikat ko’y di na magkikibit.

Sa inyo, O, bayan, ako’y mangungulit
Inyo pong pakinggan ang samo ko’t hirit
Bagong kasaysaya’y atin nang iugit
Marami man itong pagpapakasakit.

Sa sistemang bulok hanapi’y kapalit
Adhikain nati’y di dapat mawaglit
Di dapat tumigil krisis ma’y sumapit
At ating tandaan, “Di sapat ang galit!”