karapatang pantao'y
dapat nirerespeto
oo, tibak man tayo'y
nais ng pagbabago
bagong sistema'y nais
dukha'y di na magtiis
sa hirap, dusa't hapis
na dapat nang mapalis
dapat mong ipaglaban
ang bawat karapatan
huwag mong kalimutan
ang iyong kaapihan
saan nga ba papunta
ang balikong sistema
na ang dulot sa masa
ay pawang pagdurusa
dapat lang maghimagsik
bago mata'y tumirik
tatanggalin ang tinik
sa buhay na tiwarik
bawat danas ay alab
upang mitsa'y magsiklab
himagsik ay lagablab
nang sistema'y matungkab
kaya mabuting gawin
yakapin ang layunin
gawin ang simulain
tuparin ang tungkulin
kilos na, kaibigan
baguhin ang lipunan
ipagtanggol ang bayan
mula sa kaapihan
- gregbituinjr.
* tanaga - uri ng katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod
Sabado, Mayo 9, 2020
Huwag palahin ang lupa ng mga pinagpala
huwag palahin ang lupa ng mga pinagpala
baka barilin ka ng tanod ng tusong kuhila
pribadong pag-aari daw nila'y kayraming lupa
na nais mo mang linangin, may sangkaterbang hidwa
lupa ng mga pinagpala'y huwag mong palahin
tinawag silang asindero di dahil sa asin
ang titulo'y inimbento upang lupa'y maangkin
magsasakang naglinang ng lupa'y paaalisin
lupang nilinang ng magsasaka'y biglang naglaho
kahit naririyan lang, inagaw para sa tubo
at nang dahil sa kapitalismo't burgesyang luho
itinaboy ang magsasaka doon sa malayo
kung lupang inagaw ng iba'y papalahin mo man
magsasaka't manggagawa'y dapat kasama riyan
sila ang sepulturero ng
sistemang gahaman
ang lupang pinagpala'y gagawin nilang libingan
- gregbituinjr.
Balintunang kaunlaran
may nabasa akong kung anu-anong lumaganap
pag-unlad daw ngunit di ko maunawaang ganap
narating daw ng tao ang buwan, ng mahihirap
habang sa araw, dumating ang tuso't mapagpanggap
nalikha na rin ng tao ang bomba atomika
na sadyang yumanig sa Nagazaki't Hiroshima
bomba'y naglipana rin sa ilang sikat na kasa
pati sa sinehan at kabaret, kayraming bomba
saksihan kung paano nagbibigayan ang langgam
habang kape mo'y binabantuan ng maligamgam
ang panliligaw ba'y aabutin ng siyam-siyam
kung magandang dalagang bukid ang iyong inasam
iiwasan ba o lulunasan ang COVID-19?
habang wala pang makitang lunas, iwasan natin
aralin din ang lipunan at sistema'y suriin
at ang bagong hinaharap ay paghandaan na rin
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)