Huwebes, Mayo 5, 2016

Huwag magtapon kung saan-saan

HUWAG MAGTAPON KUNG SAAN-SAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

huwag magtapon kung saan-saan
lalo na't mayroong basurahan
ito'y dapat nating panindigan
kung nais ay malinis na bayan

bulok at di nabubulok
paghiwalayin, tayo'y tumututok
huwag magsunog, masusulasok
dapat malinis kahit sa bundok

magtulungan tayo't magpursigi
lahat, bata, babae't lalaki
disiplinahin pati sarili
upang sa bayan tayo'y may silbi

Tula sa basura

TULA SA BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

mga plastik na trapo
walang lamang botelya
mga basag na baso
nadurog na plorera

ang kalat ay kayrami
tinapon ang madumi
pagkat wala raw silbi
tulad ng pobreng api

kayraming mga kalat
bulok na prutas, balat
tila ba di masukat
kung ilang kilo lahat

sa lungsod na'y nauso
ang tadtad na basura
kalat doon at dito
ang ginawa ng masa

lugar nati'y linisin
sapagkat ito'y atin
upang di ka bumahin
sa kagagawan mo rin