Sabado, Setyembre 21, 2024

Salin ng First Quarter Storm: Unang Sigwa ng Sangkapat o Sigwa ng Unang Sangkapat?

SALIN NG FIRST QUARTER STORM: UNANG SIGWA NG SANGKAPAT O SIGWA NG UNANG SANGKAPAT?
Munting pagninilay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong ikalimampu't dalawang anibersaryo ng batas militar ay dumalo ang inyong lingkod sa paggunita sa araw na ito sa isang aktibidad sa Bantayog ng mga Bayani. May aktibidad sa awditoryum na puno ng maraming tao.

Mataman akong nakinig sa mga nagsalita. Narinig ko sa isang tagapagsalita ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" na siyang pagkakasalin o translasyon umano ng First Quarter Storm. Dalawang beses niya itong inulit, at isinulat ko agad ito sa munti kong kwaderno. Bakasakaling magamit ko sa sanaysay, tula at iba pang sulatin.

Subalit napaisip din ako. "Unang Sigwa ng Sangkapat" nga ba ang totoong salin ng First Quarter Storm? O baka naman Sigwa ng Unang Sangkapat, na siya kong palagay. Bakit kamo?

Sa "Unang Sigwa ng Sangkapat", ang noun o pangngalan ay Sangkapat o Quarter. Kung gayon, ang "Unang Sigwa" ang adjective o pang-uri.

Subalit pag ating sinuri ang pariralang First Quarter Storm, ang pangngalan o noun sa First Quarter Storm ay Storm, hindi Quarter. Kumbaga iyon ang pinakapaksa.

Anong klaseng storm iyon? First Quarter. Kaya ang First Quarter ang pang-uri o adjective ng Storm. Kaya dapat munang isalin ang First Quarter o Unang Sangkapat. 

Sa First Quarter naman, ang noun ay Quarter at ang adjective ay First.

Pag isinalin sa Ingles ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" ay First Storm of Quarter, dahil ang Unang Sigwa ay First Storm.

Pag isinalin sa Filipino ang First Quarter ay Unang Sangkapat. Samakatuwid, ang salin ng First Quarter Storm ay Sigwa ng Unang Sangkapat, kung pagbabatayan ang balarilang Filipino. Hindi Unang Sangkapat Sigwa, lalong hindi rin Unang Sigwa ng Sangkapat.

ANG SALIN NG FQS

Sigwa ng Unang Sangkapat ang tamang salin
ng First Quarter Storm, salin para sa akin
kaya nga hindi Unang Sigwa ng Sangkapat
dahil First Storm of Quarter ang masisipat

tingnan natin ang pagkakapwesto ng Storm
makikitang siya'y noun o pangngalan doon
habang First Quarter ay adjective o pang-uri
ng Storm, pag iyong sinipat at sinuri

kung may nagkamali man ay maitatama
lalo't salin ng First Storm ay Unang Sigwa
sa pwestuhan, adjective ang First, noun ang Quarter
at Unang Sangkapat ang salin ng First Quarter

tagapagsalita'y buong nirerespeto
subalit sana'y matanggap ang pagwawasto
paumanhin, sana'y di ako nakasakit
ng damdamin, ngunit wastong salin ay giit

09.21.2024

Maibabalik nga ba ang kahapon?

MAIBABALIK NGA BA ANG KAHAPON?

may dalawang kahulugan ang katanungang iyon
umaasang maibabalik pa ang dating buhay
o huwag nang ibalik ang mga nangyari noon
kung saan panahong iyon ay kayraming namatay

ibalik ang dati na ang mga mahal sa buhay
ay di pa nabiktima ng buhong na diktadura
upang di natin dinaranas ang kaytinding lumbay
may desaparesido at bulok pa ang sistema

"Batas Militar, Parang Pamilyar", iyan ang tema
ng paggunita sa naganap na marsyalo noon
"Bagong Lipunan, Bagong Pilipinas", anong iba?
kaya "Never Again, Never Forget" ay ating misyon

huwag na nating ibalik ang kahapong kaytindi
na mismong diktadura'y halimaw sa mamamayan
nabiktima't humihiyaw ng hustisya'y kayrami
sapilitang iwinala'y di pa natatagpuan

ibabalik ba ang kahapong walang diktadura?
bakasakaling buhay pa ang ating minamahal...
"Never Again, Never Forget", halina't magkaisa
nangyari noon ay paghanguan natin ng aral

- gregoriovbituinjr.
09.21.2024

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paggunita sa ikalimampu't dalawang anibersaryo ng batas militar, sa pangunguna ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), sa Bantayog ng mga Bayani, Setyembre 21, 2024
* inawit ng Soulful Band ang awiting Pana-Panahon ni Noel Cabangon, at sumabay naman sa pag-awit ang mga dumalo sa pagtitipon
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uKuFUPiNZ6/ 

Paglutang ng saksi

PAGLUTANG NG SAKSI

sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo
sa dyaryong P.M. mababasa mo
ang usapan ng dalawang pulis
hinggil sa paglutang daw ng witness

tanong: nahan ang witness sa krimen
sabi mo, lumutang na ang witness
sagot sa kanya'y ikauuntog
lumutang na ang saksi... sa ilog

nabiktima ng 'salvage' ang saksi
biktima ng sinumang salbahe
komiks iyon na dapat patawa
nabanggit ay kawalang hustisya

ang pinaslang na saksi sa krimen
na sa korte marahil aamin
ngunit saksi'y inunahang sadya
ng mga salbaheng gumagala

akala mo'y tatawa ka sa joke?
binunyag pala'y gawaing bugok
may malagim na katotohanang
ang hinihiyaw ay katarungan

- gregoriovbituinjr.
09.21.2024

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Setyembre 20, 2024, pahina 7

Level 69 - parehong kulay ng ruskas

LEVEL 69 - PAREHONG KULAY NG RUSKAS

dapat na ating mapag-ugnay
ang magkakaparehong kulay 
ng ruskas sa bawat turnilyo
kung laro'y nais ipanalo

kulay kasi'y magkakaiba
may asul, lunti, lila, pula
payak lang ang alituntunin:
magkakulay ay pagtabihin

app itong dinawnlod kong sadya
nang maehersisyo ang diwa
pag pahinga lang nilalaro
nang mawala ang pagkahapo

turnilyo't ruskas ay mag-partner
kaya walang sinumang ander
larong ito'y kalugod-lugod
tila kinakatha'y taludtod

- gregoriovbituinjr.
09.21.2024

* litrato mula sa app game na NutsSorter