Biyernes, Setyembre 20, 2019

Winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

winawasak ng kapitalismo ang ating mundo
sinisira nito ang ating buong pagkatao
nilalason ang sakahan sa pagmimina nito
kabundukan natin ay tuluyan nang kinakalbo

para sa higit na tubo'y wasak ang kalikasan
todo-todong pinipiga ang ating likasyaman
ginagawang subdibisyon ang maraming sakahan
ginawang troso ang mga puno sa kagubatan

dahil sa plantang coal, mundo'y patuloy sa pag-init
tataas ang sukat ng dagat, mundo'y nasa bingit
tipak ng yelo'y matutunaw, delubyo'y sasapit
kapitalista'y walang pakialam, anong lupit

di lamang sobrang pinipiga ang lakas-paggawâ
ng manggagawa, kundi kalikasa'y sinisirà
lupa'y hinukay sa ginto't pilak, at ang masamâ
katutubo pa'y napalayas sa sariling lupà

mula nang Rebolusyong Industriyal ay bumilis
ang sinasabing pag-unlad na sa tao'y tumiris
pati mga lupa'y pinaimpis nang pinaimpis
upang makuha lamang ang hilaw na materyales

likasyaman ay hinuthot nang gumanda ang buhay
maling pagtingin sa kaunlaran ang ating taglay
imbes umunlad ang tao'y pinaunlad ang bagay
bansa'y umasenso pag maraming gusali't tulay

ang mineral sa ilalim ng lupa'y nauubos
ngunit imbes umunlad, ang bayan pa'y kinakapos
dahil sa nangyayari'y dapat tayong magsikilos
pangwawasak ng kapitalismo'y dapat matapos

sa kabila nito, may pag-asa pang natatanaw
sa nalalabing oras, kumilos ng tamang galaw
mulatin ang sambayanan, kaya ating isigaw:
"Ibasura ang kapitalismo! Climate Justice Now!"

- gregbituinjr.
* nilikha at binasa ng makata sa programa ng Global Climate Strike, na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial circle, Setyembre 20, 2019

* Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2019, p. 20






Katarungan sa mga pinaslang na environmental defenders!

pinakamapanganib na lugar ang Pilipinas
kung usapin ng pagtatanggol ng kapaligiran
sa environmental defenders, maraming inutas
pagkat ipinagtatanggol nila ang kalikasan

siyam na magtutubo ang minasaker sa Negros
apat na babae't dalawang bata ang pinulbos
may walong katutubo ng Tamasco ang inubos
binira raw sila ng kung sinong berdugong bastos

sina Leonard Co at Gerry Ortega'y pinaslang
Jimmy Liguyon, Juvy Capion, iba pang pangalan
Pops Tenorio, Romeo Sanchez, inutas ng halang
mga makakalikasang ang buhay ay inutang

katarungan sa mga environmental defender!
nawa'y madakip na't makulong ang mga nag-marder!

- gregbituinjr.
* nilikha ng makata upang basahin sa rali sa DENR, Setyembre 20, 2019

Pinaghalawan ng ilang datos:
https://www.rappler.com/nation/236604-philippines-deadliest-country-environmental-activists-2018
https://www.rappler.com/science-nature/environment/208069-number-environmental-activists-killed-2017-global-witness-report
https://www.pressreader.com/philippines/manila-times/20121008/281517928345797
https://globalnation.inquirer.net/102121/ph-deadliest-asian-country-for-environment-activists-report