Martes, Hunyo 30, 2009

Huwag Sambahin ang mga Inglesero

HUWAG SAMBAHIN ANG MGA INGLESERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig

(Nang tinanggihan ng premyadong manunulat at nobelistang si Edgardo M. Reyes ang isang award na ipinagkaloob ng Komisyon ng Wikang Filipino noong Abril 2, 2009, kaarawan ni Balagtas, isa sa kanyang mga dahilan ay wala siyang nakikitang pag-unlad ng sariling wika. Ang sumusunod na tula ang pagninilay ko kung bakit di umuunlad ang sariling wika, at pati na ang bansa, kung saan naalala ko at taimtim na pinagnilayan ang isang saknong sa awiting 'Tayo'y mga Pinoy' ng Banyuhay ni Heber: "Mayroong isang aso, daig pa ang ulol, siya'y ngumingiyaw, hindi tumatahol, katulad ng iba, pa-ingles-ingles pa, na kung pakikinggan, mali-mali naman". Ah, hindi nga tayo dapat tumulad sa asong ngumingiyaw. Ambag ang tulang ito sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa darating na Agosto.)

sa Pilipinas, sinasamba ang mga Inglesero
dahil inaakalang mga ito'y matatalino
ngunit kung susuriin marami sa kanila'y bobo
upang di mahalata'y pala-Ingles ang mga ito

puro Ingles kahit kausap ay kapwa Pilipino
kaytagal na sa Pilipinas pero ayaw matuto
pag nagtatagalog ka, imperyor ang tingin sa iyo
tingin sa nagtatagalog, mababaw ang pagkatao

yaon daw mga Pilipinong di marunong magmahal
sa sariling wika, ayon sa dakilang Jose Rizal
ay kapara ng mabahong isda doon sa imburnal
nandidiring magtagalog itong Pilipinong hangal

mabuti pa ang totoong dayuhang nais matuto
ng katutubong wika kahit dayo lang sila rito
di gaya ng kapwa Pilipinong naging Inglesero
ingles ng ingles kaharap man ay kapwa Pilipino

e kasi dito, sinasamba ang mga Inglesero
paraan nila ito nang agad makilala rito
dahil kung magtatagalog baka malaman ng tao
na wala pala silang alam, kayhihina ng ulo

dinadaan sa paingles-ingles para makaisa
pagkat sa bansang ito, ang inglesero'y sinasamba
dahil magaling sa Ingles ay agad hahangaan na
aakalaing laki sa pangarap na Amerika

dapat nating salitain ang sarili nating wika
aralin natin ang tagalog, ilokano't bisaya
kapampangan, panggalatok, iba pang wika sa bansa
upang tayong lahat dito'y totoong makaunawa

ang Japan ay umunlad, di naman Ingles ang salita
ang Tsina'y bumabangon na gamit ay sariling wika
Latin Amerika'y nagkaisa sa wikang Kastila
marami pang umuunlad na di Ingleserong bansa

huwag na nating tingalain ang mga Inglesero
dahil yakap pa nila'y kaisipang kolonyalismo
superyor ang Ingles, imperyor ang wikang Pilipino
sa ganitong kaisipang pulpol, uunlad ba tayo?

ingles ay tamang gamitin doon sa mga dayuhan
sariling wika naman pag kausap ay kababayan
ito nga ang nararapat nating gawing panuntunan
kung nais pa nating sumulong at magkaunawaan

Kahungkagan

KAHUNGKAGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ano bang naambag
ng mga tiwaling pulitiko
upang mapanatag
ang bayan sa serbisyo publiko

wala kundi hungkag
na pamumuno't pagkatuliro
ang sinasagisag
nitong mga trapo sa gobyerno

lagi silang bulag
sa dustang kalagayan ng tao
at mistulang bangag
sa kapangyarihang natatamo

ang trapo'y kaylibag
ng pamamahala at serbisyo
di dapat pumayag
tayong mamamayan sa ganito

dapat nang malansag
ang sistemang bulok nitong trapo
bago pa malaspag
itong ating bansa't pagkatao

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 1, Taon 2009, p. 8.

Sa Isang Blangkong Papel

SA ISANG BLANGKONG PAPEL
ni Matang Apoy
8 pantig

(ayon sa isang taga-multiply, "wala akong magawa. kahit madaming gagawin", na sinagot ko ng tula)

ito ang magandang berso
na aking pinakagusto

na gagawan ko ng tula
upang ako'y may magawa

kahit maraming gawain
at dapat pakaisipin

maraming salamat dito
at may magagawa ako

at sa isang blangkong papel
ay nag-iisip ng anghel

na dadalaw sa haraya
ng naritong manunula

Hindi Palulupig

HINDI PALULUPIG
ni Greg Bituin Jr.
tanaga

sa ating diwa't tindig
at sa puso'y pumintig
ang bayang iniibig
ay hindi palulupig