Huwebes, Abril 8, 2021

Ang talambuhay ko'y tula

"A poet's autobiography is his poetry. Anything else is just a footnote." ~ Yevgeny Yevtushenko

bilang makata'y maraming nagtatanong sa akin
anong talambuhay ko't isasama raw sa aralin
ginunam-gunam ko kung ito ba'y espiyang itim
baka nakahandang ako'y ipakain sa pating

dangan kasi'y pula ang kulay ng makatang gala
batid ang isyung desaparesido, nangawala
lalo na't may Anti-Terror Law na talagang banta
sa kung sinong sa may maling gawa'y manunuligsa

hanggang mabasa ko ang sinabi ni Yevtushenko
isang nobelista, mandudula, makatang Ruso
aktor at direktor sa mga pelikula nito
nayong Zima, Siberia, isinilang na totoo

anya, talambuhay ng makata'y ang kanyang tula
ang iba pang tungkol sa kanya'y simpleng talababa
kaya tungkulin, pangarap, tindig, prinsipyo't diwa
ng inyong abang lingkod ang madalas napapaksa

nasa kinathang tula ang aba kong talambuhay
mabasa ito'y matatagos ang buod kong tunay
detalye't petsa'y sa talababa mo mahuhukay
subalit nasa tula ang kabuuan kong taglay

- gregoriovbituinjr.

Ilang kwento ng nagdaang panahon

kaytagal nang nangyari, panahon pa ni Mahoma
nang napasagot ni Tatang ang butihin kong Lola
mahigpit na ang sinturon, naningalang pugad na
katwiran ni Tatang, si Lola'y mahaba ang palda

nineteen kopong-kopong nang naisulat ang salaysay
naggiyera patani ang magkaribal na tunay
nagbalitaktakan sa mga isyung natalakay
nagpayabangan lang ngunit di nakuha ang pakay

panahon ni Limahong ay may naningalang pugad
naroon ang tandang, dumalaga'y gumiri agad
nang malaman ng matatanda'y kasal na ang hangad
at baka raw may nabuong sa tiyan sumisikad

panahon ng Kempei-tai ay maraming nadisgrasya
pagkat ginahasa ng Hapon ang mga dalaga
lumipas ang panahon, dumaa'y deka-dekada
nang maraming lola ang nanawagan ng hustisya

iba't ibang panahong nagdaan sa kasaysayan
ano-anong aral ang ating mahihiwatigan
nang di maulit ang mga mali ng nakaraan
nang hustisya't pantaong karapatan ay igalang

- gregoriovbituinjr.

Ang tema ng World Health Day 2021


ANG TEMA NG WORLD HEALTH DAY 2021

ang tema ng World Health Day ngayong taon ay nabanggit
ng isang kasama sa pahayag niyang kaypait
"Building a fairer, healthier world" ang temang kaylupit
pagbuo ng mundong malusog at pantay ang giit

kaygandang tema, mundong malusog, lipunang pantay
ngunit paano matutupad ang ganitong pakay
kung kapitalismo pa rin iyang sistemang taglay
kung elitista't burgesya'y naghahari pang tunay

pantay na mundo sa ilalim ng kapitalismo
malusog na daigdig kahit walang pagbabago
isang mundong ang karapatan ay ninenegosyo
may hustisya't karapatan ba sa sistemang ito?

oo, pangarap natin ang malusog na daigdig
at may pantay na lipunang ang lahat ay may tinig
pulubi't dukha'y di naiiwan, masa'y di lupig
at sa gahamang kapitalismo'y di nakasandig

kaygandang pangarap, pantay at malusog na mundo
bago maitatag, palitan ang kapitalismo
at tanggalin ang ugnay sa pag-aaring pribado
magkaisa't magkapitbisig ang uring obrero

pag nangyari muna iyan saka natin kakamtin
ang lipunang walang pang-aapi't pang-aalipin
lipunang malusog at pantay ay itatag natin
halina't kumilos, pangarap na ito'y tuparin

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google