Huwebes, Hunyo 27, 2024

Komentula sa Romualdez rice

KOMENTULA SA ROMUALDEZ RICE

bente pesos kilong bigas ba'y magigisnan?
pag nagkampanyahan na't boto'y kailangan?
binobola na naman ba ang mamamayan?
upang maboto kahit di napupusuan?

ipagpaumanhin ang aking komentula
ito'y napuna ko lang sa isang balita
propaganda ba o puro paganda lang nga?
upang apelyido'y matandaan ng madla

aba'y kay-aga nang pangangampanya ito
na ipinangako na noon ng pangulo
sa ganyan ba'y magpapabola muli tayo?
na dating pangako'y napako nang totoo?

tanong lang: maganda kayang klase ng bigas?
iyang sinasabi nilang Romualdez rice?
sangkilo'y bente pesos, o ito'y palabas?
pag nanalo, presyo'y agad sirit pataas?

masa ba sa kanila'y palilinlang muli?
para sa bigas, iboboto'y di kauri?
ah, huwag nating hayaang muling maghari
iyang dinastiya, gahaman, trapo't imbi

- gregoriovbituinjr.
06.27.2024

Pagninilay

PAGNINILAY

ano nang nangyayari't / tila walang mapala
tulog pa ang katawan / pati na yaring diwa
animo kaytindi na / ng bagyong di humupa
kaya buong lansangan / ay dumanas ng baha

may butas na ang atip / kaya panay ang tagas
tila luha ng langit / ang dito'y naghuhugas
tanaw mo ang bituin / sa kisameng may butas
habang nangangarap pa / ng lipunang parehas

kahit sa kalunsuran, / dinig mo ang kuliglig
sa paroo't paritong / sasakyang buga't butlig
habang sa kapitbahay / talak ay maririnig
nagsesermon na naman / sa asawang mahilig

kailangan ko na ring / maglaba ng labahin
upang may maisuot / sa sunod na lakarin
kung sakaling may butas / ang damit na'y tahiin
pagkunwariing bago / ang barong susuutin

- gregoriovbituinjr.
06.27.2024