Sabado, Agosto 28, 2021

Tarang magkape

TARANG MAGKAPE

tara, magkape muna tayo, amigo, amiga
lalo't kaysarap ng kapeng barako sa panlasa 
alam mo, kapeng barako'y may klaseng iba't iba:
Arabica, Robusta, Excelsa, at Liberica

tara, tayo muna'y magkape, mga kaibigan
panggising ng diwa, panggising ng mga kalamnan
lalo sa gabi, gising na diwa ang kailangan
naglalamay sa tinatrabaho't mapupuyatan

tara, tayo'y magkape muna, mga kasama ko
habang pinatitibay ang ating mga prinsipyo
tarang magkape habang patungo sa parlamento
ng lansangan at ipahayag ang tindig sa isyu

tara munang magkape dito, mga sanggang dikit
lagyan ng kaunting asukal kung lasa'y mapait
habang sa tinatahak nating landas, ating bitbit
ang pangarap na panlipunang hustisya'y makamit

tarang magkape pag napadaan kayo sa opis
kayo lamang ang magtimpla ng gusto ninyong tamis
habang mga dukha't obrero'y ating binibigkis
habang sa sistemang bulok ay nakikipagtagis

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Mutyang diwata

MUTYANG DIWATA

tulad ng pangarap ko't adhikain
na bituin sa langit ay sungkitin
Ikukwintas sa diwatang malambing
na nais kong makasama't angkinin

masdan mo ang diwatang sakdal rikit
na hinarana ko sa gawang awit
bituin man ay di ko pa masungkit
ay nagsisikap akong mapalapit

lumipas ang taon, nakamtang sadya
kaytamis na OO ng minumutya
parang matamis na bao sa tuwa
hanggang ikinasal ang puso't diwa

muli akong tumingala sa langit
ah, salamat sa bituing marikit
sa leeg man ng mutya'y di nasabit
labis-labis naman ang pagkalapit

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Nagdidilim ang langit

NAGDIDILIM ANG LANGIT

wala ang haring araw ngayong kinaumagahan
sapagkat nagbabadya ang malakas na pag-ulan
tingni ang langit, maulap, di lamang ambon iyan
magsahod ng timba't may tubig na maipon naman

atip ay tingnan, ang yerong bubong, baka may butas
tapalan agad kung mayroon man hangga't may oras
itaas ang dapat itaas, ang sako ng bigas
tiyaking maghanda sa loob, maghanda sa labas

tanggalin ang plastik sa kanal sakaling magbaha
aba'y kayraming basurang lululunin ng sigwa
upos ng yosi, plastik, basahan, lalong malubha
kung babara lang ito, sapagkat tao'y kawawa

dapat paghandaan ang pagsusungit ng panahon
upang di magbalik ang alaala ng kahapon
Ondoy, Peping, Yolanda, Milenyo, ang mga iyon
matitinding bagyong kayraming buhay na nilamon

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Saksakan

SAKSAKAN

matalim ang pagkatitig sa naroong saksakan
upang kuryente'y dumaloy sa tanang kasangkapan
kanina'y kumislap, ito kaya'y overload naman?
kuryente'y namatay at sumindi, anong dahilan?

ah, dapat suriin ang saksakan, dapat ayusin
baka pumutok at magkasunog, tayo'y lamunin
anumang pagkakamali'y di tayo sasantuhin
dapat pag-ingatan ang disgrasyang baka abutin

may saksakan sa kanto, aba'y huwag kang magalit
may saksakan ng ganda, may saksakan din ng pangit
masisikmura mo kaya kung pangit ang lalapit
okey lang, basta di saksakang dugo'y pupulandit

namamatay ang mga gamugamo sa kandila
may namatay din sa mga nasa parang ng digma
makata'y di dapat laging lumulutang ang diwa
tingnan ang saksakan, magsuri, huwag matulala

sa mga ganitong eksena'y magpakahinahon
kaya iyang saksakan ay ayusin mo na ngayon
huwag balewalain, gawan agad ng solusyon
agapan ang disgrasya habang may pagkakataon

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Daing

DAING

kay-aga-aga'y ano na namang idinadaing?
na ulam na naman ngayong umaga'y pritong daing?
reklamo ng reklamo, aba'y diyan ka magaling!
pulos ka angal, eh, di ka pa nga nakakasaing

tara, inin na ang kanin, masarap pa't malambot
daing talaga ang ulam, huwag nang sumimangot
minsan, nakakatuwa ang sentimyentong pururot
mamaya naman, pag nabusog, ito na'y nalimot

basta ako, isda't gulay lang ang nais almusal
dahil pag karne, yaring bituka ko'y naduduwal
vegetarian na sa katawan ko'y atas at asal
upang makakain ng husay nang di nangangatal

ayos lang kumain ng daing, huwag lang dadaing
ito ang naabutang ulam kaninang magising
kung madaling araw bumangon sa pagkagupiling
sana'y nakabili ng pambulanglang, pandiningding

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Diwang mapagpalaya

DIWANG MAPAGPALAYA

simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
ang isinasabuhay ng tulad kong aktibista
patuloy na kumikilos at nag-oorganisa
tungo sa pagtatayo ng lipunang ninanasa

binabasa ang akda't kasaysayan ng paggawa
upang tuluyang tagpasin ang gintong tanikala
tungo sa adhikang pagbabagong mapagpalaya
tungo sa lipunang ang bawat isa'y maginhawa

tungo sa asam na lipunang walang mga uri
lipunang hindi hinahati, walang naghahari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
nitong kasangkapan sa produksyon, dapat mapawi

lipunang bibigkis sa matinding pagkakaisa
ng sangkatauhan laban sa pagsasamantala
lipunang nakatindig sa panlipunang hustisya
at karapatang pantao, na pantay bawat isa

tara't magbasa ng mga mapagpalayang akda
tungo sa pagkakaisa ng uring manggagawa
upang lipunang hangad nila'y maitayong sadya
at lahat ay makinabang sa bunga ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021