Lunes, Oktubre 13, 2008

Sa Diwa't Aral Ay Busog

SA DIWA’T ARAL AY BUSOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Tayo dapat ay laging busog
Hindi lang sa pagkaing hinog
Kundi sa diwang matatayog
At aral nitong bayang irog.
Lumang sistema’y madudurog
At bagong mundo’y mahuhubog
Kung kikilos tayo nang busog.

Marami Mang Sakripisyo

MARAMI MANG SAKRIPISYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Marami nang nagsakripisyo
Para sa bayan at sa tao
Ipinaglaban ang prinsipyo
Ngunit pinaslang ng berdugo.
Kung ang nangyayari’y ganito
Halina’t baguhin ang mundo
Marami man ang sakripisyo.

Huwag Magbulag-bulagan

HUWAG MAGBULAG-BULAGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Huwag kang magbulag-bulagan
Sa nangyayari sa lipunan
Gawin nating makabuluhan
Ang pakikibaka ng bayan.
Baguhin natin ang lipunan
Meron mang ayaw makialam
Meron mang magbulag-bulagan.

Huwag Manlibak

HUWAG MANLIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Sinumang mahirap at hamak
Tingin mo ma’y kulang sa utak
Ay hindi dapat nililibak
At huwag ka ring maninindak.
Ang pang-aapi ma’y palasak
Huwag kang sumama sa lusak
Pagkat mahirap mapahamak.

Huwag Ka Sanang Umismid

HUWAG KA SANANG UMISMID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Bakit lagi kang umiismid
Pagdating ng iyong kapatid
Kamay mo’y agad nakapinid
Sa dibdib mo ba'y may balakid?
Huwag mo yaong ililingid
Tutulungan kita, kapatid
Ngunit huwag ka nang umismid.

Kubo Man ang Bahay Ko

KUBO MAN ANG BAHAY KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Di bale nang bahay ko’y kubo
Di naman ito kalaboso
Kaysa naman bahay nga’y bato
Na pagtrato sa iyo’y preso.
Dapat tayong magpakatao
Ganito ang tamang prinsipyo
Kahit na bahay nati’y kubo.

Kung Nais Mo'y Tahanan

KUNG NAIS MO’Y TAHANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Kung nais mo’y isang tahanan
Na laging may pagmamahalan
Maging tapat sa kasintahan
Hanggang siya’y makatuluyan
Ang tapat na pagsusuyuan
Ang susi ng kaligayahan
At pagbubuo ng tahanan.