Linggo, Disyembre 13, 2009

Paano Aawit ang Ibon

PAANO AAWIT ANG IBON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

"ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak"
isang awit ito ang saad
sa ating tenga nga'y kaysarap

tulad ng isang nakakulong
sa malayang mundo ng buhong
sino ang sa kanya'y tutulong
kung ang mundo'y parang kabaong

ibon sa hawla'y palayain
nang himig nito'y marinig din
bayan-bayan gagalugarin
paglaya'y kanyang aawitin

Di ako susuko sa laban

DI AKO SUSUKO SA LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nang tinanggap ko ang ganitong buhay
alam kong isang paa'y nasa hukay
sakripisyo, pawis, buhay ang alay
tinanggap ko ito hanggang mamatay

di ako susuko sa labang ito
hanggang pagbabago'y ating matamo
tatanganan ko ang ating prinsipyo
sa anumang laban handa na ako

kung ako'y masukol ay nangangako
lalaban sa huling patak ng dugo
pagkat nakakahiya ang pagsuko
sa dignidad nga'y nakapanlulumo

di ko isusuko itong prinsipyo
ako'y lalabang sabayan ng todo
lalaban kahit maging bangkay ako
pagsuko'y wala sa bokabularyo

mamatamisin ko pa ang mamatay
kaysa sa kahihiyan ay mabuhay
mabuti pang tanghalin akong bangkay
basta't dangal ko'y manatiling tunay