Martes, Nobyembre 16, 2021

Paluwas

PALUWAS

paluwas na kami ni misis, paluwas na kami
pakiramdam ay di maapuhap, walang masabi
inihahanda kong mabuti ang aking sarili
upang nabinbing tungkulin ay magawang maigi

nais kong gampanang husay ang naiwang trabaho
bilang opisyal sa samahan ng dukha't obrero
ako na'y makauuwi sa  pinanggalingan ko
habang ninanamnam ang mga karanasan dito

sana, walang anumang balakid mamayang gabi
sana'y tuloy na tuloy na ang aming pagbiyahe
sana, lumakas na ako sa sakit na sakbibi
sana, pulos sana, habang ngayon ay nagmumuni

sintigas man ng kamao yaring paninindigan
di maninimdim ang katulad kong para sa bayan
at hahataw muli't pasisiglahin ang katawan
lalo't daratal sa pinanggalingang kalunsuran

- gregoriovbituinjr.
11.16.2021

Tiket sa CR

TIKET SA CR

Biyernes, sa ospital, may binigay ng umaga
subalit hapon ko pa makukuha ang resulta
kaya sa pamilihang bayan muna'y nagmeryenda
hanggang nakaramdam kaya nagtungo sa kubeta

limang piso ang jingle, pag nagbawas, sampung piso
mabuti na rin, malinis naman ang C.R. dito
kayhaba pa ng oras upang resulta'y kunin ko
kaya tumambay muna kung saan, nagutom ako

inabutan ng tanghali, nananghalian na rin
sa ikalawang palapag ng palengke kumain
ah, sa hapon pa sa ospital resulta'y kukunin
habang naghihintay, sa C.R. muna'y bumalik din

sa jingle na'y nakasampung piso, dalawang beses
patunay riyan ang binayarang dalawang pases
mahirap naman kasing ang pantog mo'y tinitiis
sa C.R. nga'y jumingle, habang ako'y nagpapawis

- gregoriovbituinjr.
11.16.2021

Bawal

BAWAL

bawal ang paggamit ng plastic bag at styrofoam
sa isang lungsod ay talagang ordinansa roon
sa ating mamamayan ay isang malaking hamon
kung paano natin aayawang gamitin iyon

huwag gumamit ng plastic bag sa pamimili mo
gamitin ay bayong o nabubulok gaya nito
huwag gumamit ng styrofoam sa pagkain mo
dahil microplastic ang mapapaloob sa iyo

para sa kalikasan ang nasabing ordinansa
dahil labis na ang gamit na nagiging basura
di nabubulok, babara sa kanal, at iba pa
na epekto'y malaki sa kalikasan at masa

ang karagatan nga'y tadtad na ng upos at plastik
kakainin mo'y isdang kumain ng microplastic
baka tayo magkasakit at talagang hihibik
mabuti't sa problemang ito'y mayroong umimik

ang ordinansang iyon ay paalalang matalim
upang sa mga basurang iyon ay di manimdim
upang ilog, sapa't karagatan ay di mangitim
na dapat kalikasan ay alagaang taimtim

- gregoriovbituinjr.
11.16.2021