Lunes, Agosto 25, 2025

Iba ang lonely sa alone

IBA ANG LONELY SA ALONE

ang Lone ang salitang nag-uugnay
sa Lonely at Alone, kung sabagay
ngunit magkaiba ang dalawa
isa'y malungkot, isa'y mag-isa

katulad ko, I'm lonely and alone
iyung iba, lonely but not alone
ako uli, I'm alone but lonely
iyung iba, alone but not lonely

hanggang ngayon, ako'y nagluluksa
mula nang si misis ay nawala
laging mag-isa, walang kausap
ngunit lagi pa ring nangangarap

minsan, loner ako o introvert
iyung iba naman ay extrovert
tahimik ako sa tabi-tabi
iba'y nagsasaya gabi-gabi

sa mga naranasan talaga
napagtanto kong mas mahalaga
ay di IQ, intelligence quotient
kundi EQ, emotional quotient

kaya maraming nagpatiwakal
di kaya ng puso, naging hangal
sadya nga bang ganito ang buhay 
minsan masaya, minsan may lumbay

dinadaan na lang sa trabaho
inaaral na lang bawat isyu
nang gaya kong tibak na Spartan
ay patuloy maglingkod sa bayan

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

Oo, kaylayo pa ng aking lalakbayin

OO, KAYLAYO PA NG AKING LALAKBAYIN

oo, kaylayo pa ng aking lalakbayin
upang maabot ang pitumpu't pitong taon
ng buhay na iwi't naroon man sa bangin
ay patuloy sa pagkapit, laging aahon

makikibaka hanggang sa huling sandali
upang makamit ang lipunang makatao
ipagtatanggol ang dukhang dinuduhagi
ng sistemang ang serbisyo'y ninenegosyo

patuloy sa pagbangon ang tulad kong dukha
kapara ng mga aktibistang Spartan
na tungkuling ipaglaban ang manggagawa,
magsasaka, maralita, kababaihan

tunay na kaylayo pa ng dapat lakbayin
at tuluyang palitan ang sistemang bulok
maraming ilog at dagat pang lalanguyin
hanggang sa bundok ay marating yaong tuktok

sakaling sa ulo ko'y may balang bumaon
kasalanan ko't sa akin ay may nagalit
baguhin ang sistema'y di pa raw panahon
dahil burgesya raw ang sa mundo'y uugit

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1APVN9MeHN/ 

Sa pambansang araw ng mga bayani

SA PAMBANSANG ARAW NG MGA BAYANI

di lang sina Jacinto, Andres, Luna't Rizal
ang mga bayaning dapat nating itanghal
sa kasalukuyan, maraming mararangal
na kaylaking ambag sa bayan, nagpapagal

kayraming bayaning mga walang pangalan
na talaga namang naglingkod din sa bayan
uring manggagawa at taong karaniwan
sa bawat bansa'y tagapaglikha ng yaman

nariyan ang mga mangingisda, pesante
nariyan ang ating mga ina, babae
aktibista muna bago naging bayani
ngunit di ang mga pulitikong salbahe

ang mga O.F.W. ay bayani rin
na remittances ang ambag sa bayan natin
di man sila kilala'y dapat ding purihin
na mga inambag ay di dapat limutin

ang uring manggagawa ang tagapaglikha
nitong ekonomya't mga yaman ng bansa
mangingisda't magsasaka'y tagapaglikha
nitong mga pagkain sa hapag ng madla

sa lahat ng mga bayani, pagpupugay!
tunay na magigiting, mabuhay! Mabuhay!
nagawa ninyo sa bayan ay gintong lantay
na sa pamilya't bayan ay ambag na tunay

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

Kagaya ko'y damong tumubo sa semento

KAGAYA KO'Y DAMONG TUMUBO SA SEMENTO

kagaya ko'y damong tumubo sa semento
ganyan ako ngayon, talagang nagsosolo
nang mawala si misis ay ligaw na damo

parang halamang tumubo sa kalunsuran
nag-iisa't nabubuhay lang sa pagitan
ng bato't di mapansin ng batang lansangan

nawa'y manatiling malusog yaring isip
parang solong halamang walang sumasagip
kundi araw, ulan, kalikasan, paligid

tibak na Spartang nagpatuloy nang lubos
na katulad ng mandirigmang si Eurytus
subalit di gagaya kay Aristodemus

para man akong damong tumubo mag-isa
kahit sugatan, tuloy na nakikibaka
kahit duguan ay di basta malalanta

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

Bato-bato

BATO-BATO

bato-bato sa langit
ang tamaan ay huwag magalit
ang tamaan ay huwag magsungit
ang tamaan ay pangit

bato-batong kalamnan
kalusugan ay pangalagaan
kamtin ang malakas na katawan
at masiglang isipan

ang ibong bato-bato
zebra dove pala sa Ingles ito
kurokutok din ang tawag dito
mailap o maamo?

bato-bato'y lumipad
na mga pakpak ay iniladlad
sa puting alapaap bumungad
tila langit ang hangad

sabi, bato-bato pic
nagbarahan ang basura't plastic
batid na ngunit patumpik-tumpik
pag baha lang iimik

bato-bato sa lupa
ay tila di mo mahahalata
ngunit pag ikaw ay tumingala
naiputan sa mukha

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

* litrato mula sa google