Lunes, Enero 8, 2024

Ang tamang gamit ng RITO at DITO

ANG TAMANG GAMIT NG RITO AT DITO

"Bawal Umihi Rito" ang nakita kong paalala sa isang pader sa T. Alonzo St. sa Baguio City, malapit sa Baguio Center Mall. Wow! Karaniwan nang nakikita ko sa kinalakhan kong Maynila, ang nakasulat ay "Bawal Umihi Dito."

Mas tumpak ang paalala sa Baguio City. Talagang batid nila ang turo mula  sa Balarila ng Wikang Pambansa, na sinulat ng lider-manggagawa at nobelistang si Lope K. Santos.

Ayon sa Balarila, ginagamit ang RITO kung ang sinundang salita ay nagtatapos sa patinig (vowel), tulad ng "Bawal Umihi Rito", subalit kung nagtatapos sa katinig (consonant), ang ginagamit na ay DITO. Halimbawa, "Bawal Tumawid Dito", at hindi "Bawal Tumawid Rito." Gayon din ang gabay sa paggamit ng RIN at DIN, RAW at DAW, ROON at DOON, RINE at DINE, RIYAN at DIYAN, atbp.

Nang mapadaan ako sa paalalang iyon sa pader sa Baguio, hindi ako nakaamoy ng mapalot o mapanghi, na ibig sabihin, sinusunod iyon ng mga tao, at walang umiihi roon. Sa lungsod na kinalakhan ko na may paalalang "Bawal Umihi Dito", aba'y iniiwasan. Paano, pag dumaan ka roon, amoy mapalot. Ang panghi! Ngiii!

Ibig sabihin ba, mas disiplinado ang mga taga-Baguio kaysa tulad kong taga-Maynila? Ibig sabihin ba, pag tama ang paggamit ng RITO at DITO, sinusunod ng mga tao? Hmmm... Sana nga.

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Buntala

BUNTALA

ilang planeta ang nakikita
at napaisip ako talaga
Venus ba, o Mars ba, o buwan ba?
ngunit di sila mga planeta

pagkat repleksyon lang ng liwanag
ng bombilya, ako'y napapitlag
titig sa wala, buhay na hungkag
ah, repleksyon, ako'y napanatag

animo sila'y mga buntala
na iyong natatanaw sa lupa
animo'y tulog pa yaring diwa
at sa kawalan nakatunganga

mabuti't yaring diwa'y nagising
sa matagal kong pagkakahimbing

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Sab-atan

SAB-ATAN

Nang magtungo kami ni misis sa Baguio City, at dumating doon ng madaling araw, kumain muna kami sa Sab-atan restaurant, Enero 8, 2024. Sinamahan ko siya sa Baguio upang gampanan niya ang kanyang transaksyon Balik agad kami ng Maynila kinabukasan dahil may pasok.

Ayon kay misis, ang sab-atan ay salitang Igorot sa tagpuan (noun) o nagkitaan (verb). Alam niya pagkat si misis ay mula sa Mountain Province. Iba pa ang dap-ayan na tagpuan din subalit ang dap-ay ay tumutukoy sa isang sagradong pook.

Naisip ko naman na ang sab-atan marahil ang pinagmulan ng salitang sabwatan minus w. Nang magkatagpo at magkita ay doon na nag-usap o nagpulong upang maisagawa ang anumang plano o gawain.

kumain muna kami sa Sab-atan
nang dumating madaling araw pa lang
nabatid kay misis ang kahulugan
Sab-atan ay Igorot sa tagpuan

salamat sa bago kong natutunan
na magagamit ko sa panulaan
ibahagi ang dagdag-kaalaman
upang mabatid din naman ng tanan

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Sa Jollikod

SA JOLLIKOD

pagbaba namin sa Baguio City
nakita ko agad ang Jollikod
na nasa likuran ng Jollibee
sa ngalan pa lang ay napatanghod

sa Jollikod ay agad hiling ko
kay misis, kunan akong litrato
at gagawan ko ng tula ito
na minsan man, napadaan dito

kung chicken joy yaong sa Jollibee
na hilig ng bata't ng marami
aba, sa Jollikod nama'y happy
at may crispy dinakdakan dine

madaling araw pa, di pa bukas
kakain sana't manghihimagas
dito sana'y magpalipas-oras
bago tumungo sa inaatas

- gregoriovbituinr.
01.08.2024

Sa aklatan

SA AKLATAN

mabuti pang ang buhay ko'y gugulin sa aklatan
kaysa gabi-gabi'y aksayahin ko sa inuman
ano bang aking mapapala doon sa tomaan
kung wala naman iyong saysay at patutunguhan

sa aklatan, baka makakatha pa ng nobela
makapagbasa't malikha pa'y titik sa musika
kaytagal ko ring pinangarap maging nobelista
ngunit sa dagli't maikling kwento'y nagsasanay pa

paksa sa nobela'y laban ng uring manggagawa,
buhay at pakikibaka ng masang maralita,
kababaihan, bata, magsasaka, mangingisda,
bakit sistema'y dapat palitan ang nasa diwa

kaya nais kong nasa aklatan kaysa tumagay
doon ay dama ko ang tuwa, libog, dusa't lumbay
kaya pag may okasyon lang ako makikitagay
sa loob ng aklatan, loob ko'y napapalagay

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024