Miyerkules, Pebrero 17, 2021

Labis-labis na inhustisya

Disyembre Diyes - araw ng pantaong karapatan
Pebrero Beynte - araw ng hustisyang panlipunan
pawang mahahalagang araw na pandaigdigan
at dapat laging ginugunita ng sambayanan

mula sa pantaong karapatan, alalahanin
ang katarungang panlipunang dapat pairalin
labis-labis na ang inhustisya sa bayan natin
tokhang, pagpaslang ng mga inosenteng bata rin

pulos preemptive strike sa mga wala pang sala
upang bantang krimen ay di na raw nila magawa
hustisya sa mga buhay na kanilang winala
katarungan sa mga pangarap na pininsala

may oras tayo para sa panawagang HUSTISYA!
may oras pa tayo upang maysala'y isakdal na
karapatang pantao at panlipunang hustisya
ay tila magkapatid na kailangan ng masa

sa mga araw na ito'y dapat tayong kumilos
laban sa inhustisya'y magpahayag tayong lubos
World Day of Social Justice ay araw ng pagtutuos
singilin ang maysala sa buhay nilang tinapos

- gregoriovbituinjr.

Soneto sa Hustisyang Panlipunan

salamat sa mga kasamang nakiisa
at World Day of Social Justice ay naalala
"End the Assault!" ay nasulat sa plakard nila
"Stop the Killings!", pagpatay ay itigil na
"Justice for all victims of E.J.K.!", sabi pa

labis-labis na ang inhustisya sa bansa
pagpaslang na ikinatakot na ng madla
idinamay pa'y mga inosenteng bata
walang proseso, binabaril, parang daga

"Trabaho para sa lahat!" ang panawagan
nitong manggagawa: "Itigil ang tanggalan!"
lalo't pandemya'y dinanas ng mamamayan
dapat umiral ang hustisyang panlipunan
dapat ding isigaw: Hustisya! Katarungan!

- gregoriovbituinjr.

* Tuwing Pebrero 20 ay World Day of Social Justice, idineklara ito ng UN General Assembly noong 2007