Martes, Agosto 23, 2022

Bukambibig

BUKAMBIBIG

bukambibig lagi nila'y paano ba yumaman
maging katulad sila ng bilyonaryong iilan
ganito'y naging takbo ng isip ng karamihan
upang pamilya nila'y iahon sa kahirapan

ang inaasam nila'y pansarili't pampamilya 
sa pangarap na tila ba di kasama ang kapwa
ano nga ba namang pakialam nila sa iba
gayong ang iba'y walang pakialam sa kanila

bukambibig ko nama'y ginhawa ng sambayanan
kolektibong pakikibaka, walang maiiwan
kung mababago ang sistemang para sa iilan
ay ating matatayo ang makataong lipunan

di pansarili kundi panlahatan ang pangarap
ng tulad kong tibak upang makaahon sa hirap
ang sambayanan, masa'y makatao't mapaglingap
at ang bawat isa'y nakikipagkapwa ng ganap

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022m

Paglaban

PAGLABAN
Tulang TAGAIKU
(TAnaGA at haIKU)

i

sila'y nakikilaban
para sa kalayaan
ng tanang mamamayan
mula sa kaapihan

tanong ni pare
bakit sila inapi
ng tuso't imbi

ii

yaong lakas-paggawa'y
di binayarang tama;
ang bundat na kuhila'y
sa tubo nagpasasa

doon hinango
ng hayok na hunyango
ang laksang tubo

iii

kayraming mahihirap
na mayroong pangarap
anong gagawing ganap
nang dusa'y di malasap

mundo'y baguhin
tanikala'y lagutin
nang laya'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022

* TANAGA - tulang Pinoy, may pitong pantig bawat taludtod
* HAIKU - tulang Hapon, may pantigang 5-7-5

Pag-ibig ay pag-aaklas

PAG-IBIG AY PAG-AAKLAS

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga lumang palabas
ng burgesya't talipandas
na sa masa'y nang-aahas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa korupsyong di malutas
sa kabang bayan nagwaldas
sa inosente'y umutas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga pilak ni Hudas
sa gawa ng mararahas
sa bulong ng balasubas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga trapo't madugas
salita'y giliw ng ungas
na pangako'y laging gasgas

pag-ibig sana'y parehas
tungo sa magandang bukas
asam ay lipunang patas
na magpakatao'y bakas

pag-ibig sana nga'y basbas
sa dalawang pusong wagas
sa pagsusuot ng medyas
sa pagtitiklop ng manggas

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022